Hinikayat ng National Youth Commission (NYC) ang Sangguniang Kabataan (SK) na magkasa ng mga programang hindi lamang limitado sa sports.
Sa panayam ng PTV program Bagong Pilipinas Ngayon kay NYC Chairperson Joseph Francisco Ortega noong Martes Agosto 12, 2025, iginiit niyang hindi lahat ng kabataan ay aktibo sa sports.
“Kaya sa ating mga sangguniang Kabataan, pag gagawa kayo ng batas, hindi lang dapat puro sports. Alam naman natin na masaya ‘yan. Pero kailangan isipin din natin, anong mga training ang pwede nating ibigay sa iba’t ibang mga kabataan,” ani Ortega.
Dagdag pa niya, “Di naman lahat physically-able, 'di naman lahat kayang tumakbo nang mabilis, tumalon ng mataas. Pero yung iba matatalino, magagaling sa math, magagaling sa science, magagaling sa astronomy. Baka ‘yan ang mga next generation na papalit sa atin sa PAG-ASA, sa DOST.”
Saad pa ni Ortega, mas kailangan daw sa kabataan ang may alam at madadala sa gobyerno.
“Kailangan po natin ng mga bagong generation na mas maraming may-alam, at maraming talino na maidadala sa gobyerno” anang NYC Chair.
Panawagan pa niya sa SK leaders sa buong bansa, “Gusto ko lang po i-encourage ang ating kabataan lalo na sa mga SK, habang kayo ay nagpapractice pa bilang bata, bilang pre-leaders ng ating bansa, kailangan ibigay niyo lahat ng kakayanin niyo. And wag kalimutan to pay it forward.”