Hindi na kailangang mag-fill out pa ng form ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWD), at estudyante para makakuha ng 50% fare discount sa MRT-3, LRT-1 at LRT-2, ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules, Agosto 13.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, simula ngayong MIyerkules ay hindi na kailangang mag-fill out ng form dahil nagiging dahilan daw ito ng pagkasayang ng oras at abala sa mga pasahero.
“Sinilip ko kanina ‘yung estudyanteng nag-fill out ng form, inabot ng kulang-kulang 1 hanggang 1 minute 30 seconds para lang sa form. Sayang ‘yung oras ng estudyante at ng ibang pasahero,” paliwanag ni Dizon.
Dagdag pa ng transport chief, makikipagtulungan ang Department of Transportation (DOTr) sa Commission on Audit (COA) para i-digitalize ang information-gathering.
“Tinutulak ng Pangulo ang digitalization, dapat makabago na ang pagkuha ng ganitong simpleng requirement. Progressive naman si COA Chairman [Gamaliel] Cordoba kaya alam natin isusulong niya rin ito,” dagdag pa niya.
Ngayon ay kailangan na lang i-presenta ng mga estudyante ang kanilang school ID ngayong school year 2025-2026. Habang ang senior citizens at PWDs naman ay ang kanilang respective ID.
Samantala, maglalabas ng personalised Beep Card ang DOTr sa Setyembre para sa mga senior citizen, PWD, at estudyante kung saan awtomatikong nakaprograma ang 50% discount sa pamasahe.
Matatandaang sinimulan ng DOTr nito lamang Hunyo ang pagbibigay ng 50% discount sa mga estudyante, na dating 20% lang.
MAKI-BALITA: Discount ng mga estudyante sa mga tren, 50% na!