December 15, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Left-handers Day: Ang 'worthy opponent' ng mga kaliwete

Left-handers Day: Ang 'worthy opponent' ng mga kaliwete
Photo courtesy: Unsplash

Sa mundong halos lahat ng bagay ay dinisenyo para sa mga taong dominante ang kanang kamay, nabubuhay ang mga kaliwete upang makiayon at makisabay.

Ngayong International Left-handers Day, alamin ang tila “pinakamatinding” kalaban ng mga kaliwete, mapabagay man ito o gawain.

1. Right-handed arm chair

Sa lahat ng mga kaliweteng estudyante, ito ang isa sa mga pinakamahirap na “challenge” para sa kanila. Madalas kasing limitado o minsan nga ay wala ka pang mahahagilap na upuang pang-kaliwete. Suwerte ka kung ipupuwesto ka sa far left ng row n’yo, maiiwasan mong makabunggo kung susulat ka, o kaya naman kaliwete rin ang katabi mo.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 8 mga putahe na kasya sa ₱1,500 para sa Noche Buena

2. Abrelata (Can opener)

Sa disenyo ng mga ‘can opener,’ lalo kung sanay ka gamitin ang kaliwa mong kamay, mahihirapan ka talaga sapagkat parang nakapalipit ang mga kamay mo kapag magbubukas ka na ng lata. Kailangan ding mag-ingat talaga dahil kung hindi mapapansin, maaari kang masugatan sa umaangat na portion ng lata.

3. Notebook springs

Ito ang isa sa mga hirap din ang mga kaliwete, lalo kung nagsusulat na sila sa kanang parte ng kwaderno. Paano ba naman makakapagsulat nang maayos kung tama nang tama sa kamao nila ang spring ng mga notebook nila?

4. Tinta ng pen / Alikabok mula sa ‘chalk’

Sa tuwing magsusulat ang mga kaliwete, hindi maiiwasang may mamuo o maiwang mga marka sa kamay nila, dahil nga nadadaanan ng kamay nila ang mga naisulat na nila. Dahil dito, hindi lang kamay nila ang apektado, madalas kumakalat din ang tinta ng kanilang mga isinulat o kung sa pisara man, ito ay nabubura.

5. Gunting

Hindi akma ang disenyo ng gunting para sa kaliwang kamay, kung kaya’t kapag maggugupit ang isang kaliwete, asahan mo ang reklamo matapos nito. Madalas ding hindi maipantay ang gupit sapagkat nagtatama ang gunting sa mga daliri nila, kaya minsan kahit hindi sanay, gagamitin na lamang nila ang kanilang kanang kamay.

6. Instrumentong pang-musika

Gitara, tambol, o kahit violin, lahat ng mga instrumentong ito ay akma para sa mga masusuwerteng dominante ang kanang kamay. Madalas na “struggle is real” ang mga kaliweteng gumamit ng mga ito, ngunit posible naman ang pagpapasaayos nito. 

Upang umakma ang instrumento sa dominanteng kaliwang kamay, kailangan itong ipasadya, ngunit kailangan lang talagang gastusan.

7. “Bumping Elbow” scenarios

Kung kaliwete ka, mauunawaan mo ang hirap kapag may katabi ka. Hindi talaga maiiwasan na kahit anong gawin mong iwas, matatamaan at matatamaan mo sila. Sa eskuwelahan lang, kapag nagsusulat, madalas tumama ang siko ng isang kaliwete sa kalamnan ng katabi niya.

Pero sa hapag-kainan, dapat na mag-ingat sapagkat kapag umiinom o kumakain ang isang tao, may tsansang tamaan mo sila. Masuwerte na lang siguro kung kaliwete rin ang katabi mo.

Struggle is real man madalas para sa mga kaliwete ang maki-angkop, ang araw na ito ay ipinagdiriwang upang sila ay i-appreciate.

Happy Left-handers Day sa lahat ng mga kaliwete! 

Vincent Gutierrez/BALITA