December 21, 2025

Home FEATURES

KILALANIN: Mga kaliweteng Pinoy personalities

KILALANIN: Mga kaliweteng Pinoy personalities
Photo courtesy: Manny Pacquiao (FB), Paeng Nepomuceno (FB), Vilma Santos-Recto (FB)

May kilala ka bang kaliwete?

Ngayong International Lefthanders Day, ginugunita ang pagkilala sa mga taong namumuhay na ang kinalakihang gamit ang kaliwang kamay.

Ayon sa mga pag-aaral, 10% lang ng populasyon ng buong mundo ay kaliwete, kung kaya’t kailangan ng mga ito na mag-adjust sa lahat dahil karamihan sa mga bagay sa mundo ay dinisenyo para sa mga kanan.

Kilalanin ang mga prominenteng personalidad mula sa Pilipinas na hindi lang kaliwete, namamayagpag din sa kani-kanilang karera.

Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Bentahan ng ilang Divisoria seller, ‘merry’ pa rin kahit medyo lugi

1. Manny Pacquiao

Si Manny “Pacman” Pacquiao ay ang nag-iisang “Pambansang Kamao” mula sa General Santos City. Siya rin ang natatanging 8-Division World Champion sa kasaysayan ng boksing.

Ang “octuple” boxer na si Pacman ay pinasok din ang mundo ng politika matapos maging senador noong 2016. Tumakbo rin ito sa pagka-presidente ng bansa noong 2025 National Elections ngunit hindi pinalad na masungkit ang puwesto.

Kamakailan, tumapak na naman sa boxing ring ang pambansang kamao laban kay Mario Barrios para sa WBC welterweight title. “Majority draw” ang naging resulta ng laban, ngunit naiuwi pa rin ni Barrios ang pagkapanalo.

MAKI-BALITA: ‘Bigong mapatumba!’ Pacquiao, ‘di naagaw ‘WBC welterweight title’ kay Barrios-Balita

2. Vilma Santos

Si Maria Rosa Vilma Santos, mas kilala bilang si Vilma Santos, ay isang aktres na nagsimula sa industriya noong siya ay 9 taong gulang pa lamang. Gumanap siya sa palabas na “Trudis Liit” noong 1963, kung saan natanggap niya rin ang kaniyang unang FAMAS best child actress award.

Tanyag si Vilma sa katawagang “Star for All Seasons.”

Pinasok niya rin ang mundo ng politika matapos maging punong-lungsod ng Lipa City noong 1998 hanggang 2007. Naging gobernador naman siya ng Batangas mula 2007 hanggang 2016.

Nahalal din si Santos bilang representative ng ikaanim na distrito ng Batangas noong 2016. Matapos nito, siya ay naging House Deputy Speaker mula 2019 hanggang 2022.

Sa kasalukuyan, si Santos ang gobernador ng Batangas matapos manalo noong 2025.

3. Paeng Nepomuceno

Si Rafael “Paeng” Nepomuceno ay kilala bilang mahusay na atleta sa larangan ng “Bowling.”

Siya ay isang 6-time World Bowling Champion at World Bowling Hall of Famer, na naging dahilan upang siya ay kilalanin bilang isa sa Greatest of All Time (G.O.A.T) bowlers sa buong mundo.

Kinilala si Nepomuceno ng Guinness Book of World Records noong 2019 matapos nitong talunin ang sarili nitong world record nang apat na beses sa tenpin bowling. Nanalo lang naman siya sa loob ng anim na dekada, sa anim na kontinente sa mundo.

Sa kasalukuyan, mayroon siyang tatlong record na hanggang ngayon, wala pa ring nakakatalo.

- Sa pagiging pinakabatang World Tenpin Bowling champion

- Sa pagkapanalo ng pinakamaraming Bowling World Cups sa loob ng tatlong dekada

- Pinakamaraming worldwide titles sa buo nitong karera bilang professional bowler

4. Dennis Trillo

Si Dennis Trillo ay isang multi-awarded actor mula sa GMA na nakasungkit ng Asian Star Prize sa Seoul International Drama Awards. Siya ang kauna-unahang Pinoy na nakatanggap ng pagkilalang ito.

Gumanap din siya sa iba’t ibang palabas tulad ng “Maria Clara at Ibarra,” “My Husband’s Lover,” at “Pulang Araw.”

Wagi rin siya bilang Best Actor sa Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 2024 matapos ang kaniyang natatanging pagganap sa pelikulang “Green Bones” ni Zig Dulay.

Sa kasalukuyan, umeere ang kaniyang palabas na “Sanggang-dikit FR” sa GMA Network.

5. Alden Richards

Si Richard Faulkerson Jr. o mas tanyag sa screenname nitong Alden Richards, ay isang sikat na aktor mula sa GMA Network.

Siya ang ikalawang recipient ng Asian Star Prize sa Seoul International Drama Awards, sunod kay Dennis Trillo.

Mas umusbong ang karera ni Alden sa larangan ng entertainment matapos nito maging parte ng “AlDub”, kung saan naging kapares niya ang host at aktres na si Maine Mendoza.

Kasama ang Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo, parte din siya ng highest-grossing Filipino film of all time na “Hello, Love, Goodbye,” sa direksyon ni Cathy-Garcia Molina.

KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Mga pelikulang Pilipinong humataw at tumabo sa takilya-Balita

Sa mga personalidad na nabanggit, mapatutunayang sa gitna ng umiikot na mundo, hindi lamang kaliwete ang mga taong ito kundi sila rin ay mga matagumpay na personalidad na gumawa ng marka sa kani-kanilang industriya.

Vincent Gutierrez/BALITA