Magiging available na ang white personalized beep cards para sa mga estudyante na awtomatikong nakaprograma ang 50% discount sa kanilang pamasahe sa MRT-3, LRT-1 at LRT-2, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Kung babalikan, 20% lang discount sa pamasahe ng mga estudyanteng sumasakat sa tren, na alinsunod sa RA 11313 o ang Student Fare Discount Act of 2019.
At nito lamang Hunyo 2025 nang itaas ng DOTr sa 50% ang discount sa pamasahe ng mga estudyante sa tren.
"Ang directive ng Pangulo, magdagdag tayo mg discount sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3. 'Yung dating 20% discount lang sa mga estudyante, inutos ng Pangulo na gawin nating 50% ang discount ng mga estudyante," ani transportation secretary Vince Dizon noong Hunyo 20.
Samantala, nitong Miyerkules, Agosto 13, personal na ininspekyon ni Dizon ang proseso kung paano kumukuha ng discount ang mga estudyante. Nakita niyang nagfi-fill out pa ng form ang mga estudyante upang ma-avail ng discount.
“Sinilip ko kanina ‘yung estudyanteng nag-fill out ng form, inabot ng kulang-kulang 1 hanggang 1 minute 30 seconds para lang sa form. Sayang ‘yung oras ng estudyante at ng ibang pasahero,” paliwanag ni Dizon.
MAKI-BALITA: Mga senior, PWD, estudyante hindi na mag-fill out ng form para sa fare discount sa tren
Kaugnay nito, ibinahagi ni Dizon na maglalabas sila sa Setyembre ng white personalized beep cards para sa mga estudyante kung saan awtomatiko nang makukuha ng mga mag-aaral ang 50% discount.
“Kabilin-bilinan ng Pangulo na dapat ang biyahe ng ating mga studyante ay mabilis at convenient para hindi sila nale-late sa klase. Starting September, hindi na sila mahihirapan,” anang transport secretary.
Ang white personalized beep card ay may pangalan ng estudyante na balido lamang sa loob ng isang taon. At maaari itong ma-renew kada school year.
PAANO NGA BA MAKAKAKUHA NG WHITE PERSONALIZED BEEP CARD?
1. Magtungo lamang sa MRT-3, LRT-1, o LRT-2 station sa Setyembre.
2. I-present o ipakita ang school ID ngayong School Year 2025-2026.
3. Hintayin ang printed beep card ng ilang minuto.
Simula Setyembre, pabibilisin na rin ang pag-print ng white beep cards na agad makukuha sa ticket counters, kumpara sa dating lima hanggang pitong araw na processing, ayon sa DOTr.