Natanggap na ng House of Representatives ang kopya ng ₱6.793 trilyon na 2026 national budget nitong Miyerkules. Agosto 13, 2025.
Sa ikinasang press conference ng Kamara, kasama ang Department of Budget and Management (DBM), inihayag ni DBM Sec. Amenah Pangandaman na walang matatanggap na alokasyon ang kontrobersiyal na Ayuda sa Kapos Ang kita Program (AKAP).
“Doon po sa AKAP wala po yung AKAP sa budget ng DSWD for next year,” ani Pangandaman.
Paglilinaw pa niya, may natitira pa raw kasing pondo ang AKAP mula noong 2025.
“May natitira pa pong pondo from 2025… and given our limited fiscal space, hindi pa muna natin siya sinama,” anang DBM Secretary.
Ang AKAP ay isang programa sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayong tugunan daw ang maliit na kita ng mga “minimum wage earners” kasunod ng patuloy umanong pagtaas ng inflation sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga depinisyong dapat malaman tungkol sa AKAP
Matatandaang noong 2025, nakatanggap ng tinatayang ₱26.7 bilyon ang AKAP na hindi nai-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at umani ng samu’t saring kritisismo.
Samantala, mula sa proposed budget na ₱6.793 trilyong pondo para sa 2026, muling matatanggap ng Department of Education (DepEd) ang pinakamalaking alokasyon na may ₱928.5 bilyon. Sinundan ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may ₱881.3 bilyon at Department of Health (DOH) na may ₱320.5 bilyong alokasyon.
Inaasahang sa Setyembre 1 sisimulang himayin ng Kamara ang budget deliberation.