Naging matagumpay ang operasyon ng isa sa mga estudyanteng nalaglagan ng debris sa Tomas Morato Avenue, Quezon City noong Martes, Agosoto 12, 2025.
Kinilala ang naturang biktima na si Carl Jayden Baldonado.
Ayon sa bidyo na ni-upload ng kaniyang ama na si Jason Baldonado kaninang tanghali, Agosto 13, 2025, ipinagbigay alam niya na na-operahan na ang kaniyang anak at inoobserbahan na nila ngayon ang paggaling nito.
“Update po kay jayden. Na-operahan na po siya ngayong araw sa ulo. Maganda naman po ang sinabi sa amin ng doktor. So under observation na lang po kami ngayon sa pag-heal niya. Kung paano po mag-response ang katawan niya sa pag-heal,” saad ni Jason.
Nagbigay din ng pasasalamat ang ama ng bata sa mga tulong at panalangin para sa kanilang anak.
Stable umano ang kalagayan ni Carl Jayden ngayon at patuloy na sinusubaybayan ng mga doktor.
Samantala, nakikipag-ugnayan na raw umano ang pamunuan ng naturang gusali sa kaanak ng mga biktima.
Matatandaang kritikal ang sinapit ng dalawang estudyante nang malaglagan ang mga ito ng debris sa ulo habang nagtamo naman ng sugat sa braso ang isa pa.
Humandusay sa bangketa ang dalawang biktima at agad namang nadala sa Capitol Medical Center ang mga ito.
Nangyari ang aksidente sa kanto ng Roces at Timog Avenue sa QC noong Martes, Agosto 12, 2025.
Agad naman nagbigay ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na tutulungan at aalalayan nila ang pangangailangan ng mga biktima at pamilya nito.
Kaugnay na balita: 2 estudyante nabagsakan ng debris sa QC, kritikal; 1 pa sugatan
Mc Vincent Mirabuna/BALITA