Ipinagtanggol ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro si Unkabogable Star Vice Ganda laban sa mga bumibira sa kaniya dahil sa naging biro niya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa naganap na "Super Divas" concert nila ni Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid noong Agosto 8 hanggang 9 sa Smart Araneta Coliseum.
Sa nabanggit na production number, kumakanta si Regine ng chorus of "Hold My Hand" ni Jess Glyne's, na track ng viral TikTok background music na "Jet 2 Holiday" nang biglang pumasok si Vice Ganda at ginawa itong "Jetski Holiday."
"Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jet ski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels and a free trip to The Hague by the ICC. Promo applies to DDS only. Pinklawans and BBMs are prohibited. Huwag n'yo akong subukan, mga put*** ina n'yo!" ani Vice, na siyang pinalagan naman ng DDS o Duterte supporters.
KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda, binanatan ng Duterte supporters dahil sa paandar sa concert
Pinanawagan ng Duterte supporters ang pagdedeklarang persona non grata kay Vice Ganda, at ang ilan ay nagsabi pang i-boycott lahat ng brand na ineendorso niya, partikular ang isang sikat na fast food chain.
Batay naman kay Vice President Sara Duterte, pinauubaya raw niya sa Davao City Council ang desisyon kung idedeklara ba nilang persona non grata si Vice Ganda.
"I haven’t seen or read the jokes being referred to, but whatever the decision of the city council, it has to be a majority decision,” saad ng bise presidente sa isang panayam sa Davao City. "The council of Davao is the correct body to declare a person a persona non grata," aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Pag-persona non grata kay Vice Ganda sa Davao City, nakadepende sa city council—VP Sara
Batay naman sa apo ni FPRRD na si Acting Davao City Vice Mayor Rodrigo "Rigo" Duterte II, sinabi niyang wala umanong desisyon mula sa Davao City na nagdedeklarang persona non grata si Vice Ganda.
Samantala, sa press briefing na isinagawa sa Palasyo ngayong Martes, Agosto 12, sinabi ni Castro na huwag daw sanang maging "balat-sibuyas" o maramdamin ang mga netizen, lalo na ang Duterte supporters.
"Unang-una kasi, concert naman 'yon. Parang show naman 'yon."
“So, hindi kailangang maging balat-sibuyas ang sinuman," anang Castro.
Saad pa ng Palace Press Officer, nagmula naman daw talaga sa dating pangulo ang tungkol sa nabanggit na jet ski issue.
"At ito naman talaga ay nangyari. Jinoke ni dating Pangulong Duterte 'yong tungkol sa jet ski. Sinabi pa niya na ang naniwala sa kaniya sa sinabi niyang sasakay siya sa jet ski para sa West Philippine Sea, sinabi niyang stupid."
Samantala, naglabas naman ng isang resolusyon ang Davao City Council ngayon ding araw ng Martes, na nagkokondena naman sa mga naging hirit ng komedyante-TV host.
KAUGNAY NA BALITA: Davao City Council, naglabas ng resolution; kinondena 'jet ski' joke ni Vice Ganda!