Isinugod sa ospital ang punungguro ng Agriculture Elementary School sa Midsayap, North Cotabato matapos itong barilin sa labas mismo ng kanilang paaralan kaninang umaga, Agosto 12, 2025.
Papasok umano ang prinsipal na kinilalang si Arlyn Alcebar sa paaralan sakay ng kaniyang sasakyan nang pagbabarilin ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo.
Agad na tumakas ang mga di pa nakikilalang suspek matapos ang pamamaril.
Samantala, hindi naman nagtamo ng malubhang sugat ang biktima.
Agad namang nagpatawag ng safety and security meeting ang Mayor ng Midsayap, North Cotabato na si Mayor Rolly Sacdalan ugnay sa nangyaring insidente.
Layunin umano ng isinagawang pagpupulong ang agarang pag-iimbestiga sa motibo ng pamamaril at pagkakakilanlan ng mga hindi pa nakikilalang lalaki.
Kaugnay Na Balita: Estudyanteng lalaki namaril sa classroom; binaril din sarili!
Matatandaang binulabog din ang marami nang kumalat ang balita ng pamamaril ng isang lalaki sa 15 anyos na babae sa loob ng paaralan noong Huwebes, Agosto 7, 2025.
Kung saan natukoy sa motibo ng pamamaril na matagal nang sinusuyo ng suspek ang biktima na dati nitong nobya.
Agad namang pumanaw ang suspek matapos nitong barilin ang sarili habang ang biktima ay kasalukuyan pa rin nasa kritikal na kalagayan.
Kaugnay Na Balita: Estudyanteng lumagapak ang grado, itinumba teacher na nambagsak sa kaniya
Dagdag pa, nagkaroon din ng kaso ng pamamaril sa isang guro sa tapat ng kanilang eskuwelahan nitong Lunes, Agosto 11, 2025, sa Lanao Del Sur.
Dead on the spot ang guro matapos siyang barilin ng 20 anyos na Grade 11 na kaniyang istudyante.
Lumabas sa imbestigasyon na bagsak na grado ang isang dahilan ng motibo ng pamamaril sa guro.
Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng polisya ang suspek matapos itong isuko ng kaniyang sariling kapatid.
Mc Vincent Mirabuna | BALITA