December 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Nabembang ka na ba? Mga ibig sabihin ng salitang ‘Bembang’ noon at ngayon

Nabembang ka na ba? Mga ibig sabihin ng salitang ‘Bembang’ noon at ngayon
Photo courtesy: Unsplash

Sa panahon ngayon, kapag sinabing “bembang” ay tiyak na alam na agad ng kabataan kung anong ibig sabihin nito.

Sa kasalukuyan, kapag sinabi kasing “bembang o bembang ka sa akin,” tumutukoy ito sa malaswang kahulugan―sex o pagbabadya at pagsasabing gustong makipagtalik. Maaari ding sabihing marahas na pakikipagbuno ng dalawang tao sa kama.

Ngunit ayon sa Facebook post ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario o Rio Alma sa koleksiyon ng kaniyang Wikang Kopong-kopong nitong Lunes, Agosto 11, 2025, iba ang salitang “bembang” sa nakasanayan niya noong musmos pa lamang siya sa Bulakan, Bulacan.

“[Noong musmos pa lamang] ako sa Bulakan, ang ‘bímbang’ ay isang marahas na pangyayari. Kapag ‘nabímbang’ ang isang táo, tiyak na bugbog ang katawan niya sa malalakas na suntok at tadyak ng isang mas matipuno at marahas na kaaway.” aniya.

Human-Interest

ALAMIN: ‘Required’ ba na magbigay ng 13th Month Pay ang mga kompanya tuwing Holiday Season?

Dagdag pa ni Almario, kapag nabimbang umano ang isang tao, nangangahulugang siya ay nagulpi nang marahas sa pamamagitan lamang ng mga suntok at tadyak na hindi gumagamit ng pamalo o armas ang mga nanakit.

“Ngunit ang ‘bímbang’ ay isang pagbugbog na walâng pampalo man lamang o kasangkapan para gulpihin ang biktima. Kamay, paa, at bahagi ng katawan lang ang gamit ng nambímbang.” saad ni Almario.

Kadalasan umano sa mga nabibimbang ay napupunta sa ospital dahil wala namang motibo ang mga nambimbang na kitilin ang buhay ng kanilang biktima. Dagdag pa niya, ang maliliit o mahihina kaysa sa kaaway ang madalas pag-initan.

Paliwanag niya, ang ganitong pagbabago ng letra sa bawat salita ay maaaring sabihing bunsod ng paghahayag ng emosyon ng isang tao. Ginawa niyang halimbawa ang pagpapalit ng ‘e’ sa ‘i’ ng salitang “hanip.” Ang hanip ay tumutungkol sa mga insekto ngunit kalaunan ay nagamit ng mga tao ang salitang “hanep” upang magpahayag ng papuri.

Naibahagi niya rin na nagpapalubha ng generational gap ang mga ganitong kaso sa pagbabago ng kahulugan sa wika sa pagitan ng matatanda at mga bata. Kung maaari lang umano sana ay hindi mawala ang matalik na komunikasyon at pagkakaintindihan ng magkakasunod na salinlahi o henerasyon.

“[N]aiisip ko na ang ganitong pangyayari ay nagpapalubha sa generation gap. Kung ang bawat henerasyon ay magpipilit umimbento ng sarili nilang wika para ibukod ang kanilang sarili sa kanilang magulang, hindi ba’t nagiging hadlang ito sa matalik na komunikasyon at pagkakaintindihan ng dalawang magkasunod na salinlahi?” saad niya.

Sa huli, hiniling niya na sana ay may nagpapaliwanag ng mga ganitong pagbabago sa katulad nilang senior citizens.

KAUGNAY NA BALITA: Alvin Elchico, kinuyog ng mga gen Z dahil sa sigaw na 'Bembang pa more!'

Samantala, matatandaang nagkaroon din ng karanasang kuyugin ng mga Gen Z at netizens ang ABS-CBN at DZMM TeleRadyo news anchor na si Alvin Elchico noong Hunyo, 2025, matapos niyang sumigaw ng “Bembang pa more!” sa radio program niyang “Gising Pilipinas.”

Ayon kay Elchico, hindi niya alam na iba pala ang kahulugan ng salitang bembang para sa mga kabataan.

“Kinuyog pala ako ng mga kabataan dito. Iba pala ibig sabihin ng bembang sa mga batang ito!" aniya.

Pinaliwanag niyang napagalitan ng todo ang isang tao ang ibig sabihin ng bembang na alam niya. Hindi niya inakalang ang kahulugan na pala nito para sa bagong henerasyon ay tungkol sa sex.

“Eh kasi naman kami, ang ibig sabihin sa amin, 'pag nabembang ako eh, ang ibig sabihin no'n napagalitan ako nang todo. Ang ibig sabihin pala sa mga bata ngayon, 'yan ay sex!" saad ng news anchor.

Paglilinaw pa ni Elchico, kailangan ito umanong ipaliwanag dahil wala namang masama sa salitang sex ngunit para sa mga taong edad 40 pataas ay iba ang kahulugan ng naturang salita.

Mc Vincent Mirabuna/BALITA