Umani ng good vibes ang Facebook video post ng isang mangingisda noong Linggo, Agosto 10, 2025, sa Cambalo, Cajidiocan, Romblon.
“Unang huli ko!” pagbibida pa ng mangingisda at content creator na si Chris Anthony Rapsing Rio o mas kilala rin bilang Ka Blessing.
Ngunit sa hindi inaasahan, nakuha sa bidyo ang biglang pagpulandit ng tinta ng higanteng pusit at tumama ang karamihan ng mga iyon sa mukha at katawan ni Rio.
Makikita ang tila muntik nang pagsuka ni Rio dahil may tinta umanong pumasok sa kaniyang bibig.
Lalo pang naging mas kaaliw-aliw ang naturang post dahil sa walang tigil na halakhak ng kasamahan ni Rio na maririnig sa bidyo.
Samantala nilinaw niyang hindi siya nasaktan sa nangyari at nakapaghilamos pa sa dagat.
Sa kabila nito, ipinabatid ni Rio na nagpapasalamat siya at itinuturing na biyaya ang pagkakataong iyon dahil umabot ito ng maraming views at reacts sa Facebook.
Lubos itong kinagiliwan ng netizens at nag-iwan ng komento sa naturang post. Narito ang ilang sa sinabi ng mga nakapanood:
“hahhaa utoy pintura yata yan,” saad ng isa.
“Ganda ng patama gitek ,” ‘ika ng isa.
“Yaiks , inakupo nilabasan na naman ng Sama ng loob,” dagdag ng isa.“Grabe tinta ano lasa niyan kuya? ,” pagtatanong ng isa.
“Hahaha naka puntirya gid sa mukha,” sabi ng isa.
“Oh no..ingat,” pag-aalala ng isa.
“Omg di talaga biro Mang huli ng pusit ingat kablessing”
Samantala, umabot na sa 42 million views at mahigit 323,000 reactions ang naturang post ni Rio sa Facebook.
Mc Vincent Mirabuna/BALITA