Matapos maging tumpukan ng kontrobersiya at puna sa kaniyang administrasyon, tuluyan nang isinapubliko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga contractor ng flood control project na nakatanggap ng limpak-limpak na pondo mula sa nasabing proyekto.
Ang ipinangakong flood control, tila kasama ring nilubog at inanod ng baha, sa nagdaang mga mga bagyo at pagbaha sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. At maging si PBBM, aminadong pumalpak dahil sa umano’y mga korap.
Batay sa pananaliksik ng Balita mula sa mga ilang datos nasa kani-kanilang opisyal na website ng bawat kompanya at mga dokumentong inilathala ng Department of Public Works and Highways (DPWH), narito ang ilan taong nagmamay-ari ng 15 kompanyang pinangalanan ni PBBM:
Legacy Construction Corporation
Tinatayang nasa 20 taon nang nasa industriya ang Legacy Construction Corporation. Nakasentro ang nasabing firm sa construction, agriculture at real estate.
Noong 2018, kinilala sina Alex at Dominador Abelido bilang mga legitimate owners ng naturang constructions firm habang noong 2021 naman nang idineklara si Alex Abelido bilang Presidente nito.
Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp. at St. Timothy Construction Corporation
Mahigit isang dekada nang namamayagpag ang construction firm ng Alpha & Omega General Contractor & Development Corp.
Ayon sa mga ulat, ito ay pagmamay-ari ng pamilya Discaya ng Pasig City, habang ang kasalukuyang Presidente nito ay Cezarah Rowena Discaya.
QM Builders
Itinatag noong 1992 bilang hardware supplier noon sa Cebu, ngayon ay isang kompanyang pagmamay-ari ni Allan Quirante at Zosima Martinet.
EGB Construction Corporation
Ang EGB Construction Corporation ay nakalagak sa Ilagan, Isabela at pagmamay-ari ni Erni G. Baggao.
Top-Notch Catalyst Builders Inc.
Ayon sa DPWH, ang Top-Notch Catalyst Builders Inc. ay pinangangasiwaan ni Eumir Villanueva.
Centerways Construction and Development Inc.
Ang Centerways Construction and Development Inc. ay pagmamay-ari ni Lawrence R. Lubiano na itinatag noong 2009 at nakabase sa Sorsogon.
Sunwest, Inc.
Noong 1997 nang maitatag ang Sunwest Construction and Development Corporation (SCDC) sa Legazpi City, Albay. Kasalukuyan itong pinatatakbo ni Aderma Angelie Alcazar bilang Presidente nito.
Hi-Tone Construction & Development Corp.
Itinatag noong 2007, ang Hi-Tone Construction & Development Corporation ay pagmamay-ari ni Edgar Acosta na nakatalaga sa Albay.
Triple 8 Construction & Supply, Inc.
Naitatag noong 2013, ang Triple 8 Construction & Supply, Inc. ay pinangangasiwaan ni Wilfredo Natividad bilang owner at general manager nito.
Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corp.
Ang Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corp. ay itinatag noong 2004 at pagmamay-ari ni Romeo Miranda na nakabase sa Tarlac.
Wawao Builders
Ang Wawao Builders ay pagmamay-ari ni Mark Allan Arevalo. Habang isinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang hindi ma-access ang website ng nasabing kompanya.
MG Samidan Construction
Ayon sa dokumentong isinapubliko ng DPWH, si Marjorie Samidan ang may-ari ng MG Samidan Construction na nakabase sa Bauko, Mountain Province.
L.R. Tiqui Builders, Inc.
Batay pa rin sa dokumentong nakalathala sa DPWH, si Luisito R. Tiqui ang kasalukuyang Presidente at nagmamay-ari ng L.R. Tiqui Builders, Inc.
Road Edge Trading & Development Services
Nakasaad sa dokumentong inilabas ng DPWH na si Engr. Ryan Willie D. Uy ang Proprietor/General Manager ng Road Edge Trading & Development.
Samantala, nilinaw naman ni PBBM na patuloy nilang iimbestigahan ang nasabing 15 kompanya na nakatanggap ng malalaking pondo mula sa flood control project at kung may direkta umano silang may kaugnayan sa mga opisyal ng pamahalaan.
“We will still go through every single one. And we still have to see what really is – what really is credible and what needs to be acted upon,” saad ni PBBM.