December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Mga batang Guinness World Record holders

KILALANIN: Mga batang Guinness World Record holders
Photo courtesy: Pexels

Sabi ni Gat Jose Rizal, ang kabataan ang siyang pag-asa ng bayan. Hindi maikakailang sa panahon ngayon, maraming kabataan ang mulat na sa reyalidad at katotohanan ngunit mayroon pa ring mga dapat gabayan.

Ang kabataan ngayon ay may angking talento at talino, likas na galing at husay sa iba’t ibang larangan, pati na rin kakaiba, espesyal, at eksepsyonal na katangian.

Ngayong “International Youth Day” ay tampok ang ilan sa mga kabataan sa buong mundo na may kakaibang katangiang nag-set ng record sa “Guinness World Records.”

1. Pinakamaliit na “teenager (lalaki)”

Human-Interest

#BalitaExclusives: Babaeng ikakasal na sana, ilang araw nang nawawala; fiancé, umapela ng tulong

Ayon sa kasabihan, ang iba ay huwag mong ismolin, sapagkat siguradong siya ay nakapupuwing din.

Naitala ng Guinness World Records ang pinakamaliit na lalaking “teenager” sa mundo.

Kinilala ito bilang si Dor Bahadur Khapangi, mula sa Sindhuli, Nepal.

Aakalain mong bata pa si Dor Bahadur sa taglay nitong kaliitan, pero ito pala ay “teenager” na. Ipinanganak siya noong Nobyembre 14, 2004.

Sa taas nitong 73.43 sentimetro o 2’4.9”, siya ang tinaguriang “shortest teenager living (male)” sa mundo.

Nagtataka ang marami kung bakit ganito na lamang ang taglay na kaliitan ni Dor Bahadur, gayong wala naman siyang mga magulang o mga kapatid na may kaparehong kondisyon.

Matatandaang tumigil daw ang paglaki nito noong ito ay tumungtong ng pitong taong gulang.

Kahit ganoon, hindi pa rin daw nakalilimutang tulungan ang kaniyang pamilya sa mga gawaing bahay.

2. Pinakamatangkad na “teenager” (lalaki)

Lahat ay nais na maging matangkad, dahil sa “confidence” na dala nito sa atin.

Tiyak mapapa-”sana all” na lang ang lahat sa binatang ito mula sa Quebec, Canada.

Siya ay kinalala bilang si Olivier Rioux, 16 taong gulang.

Siya ay may taas na 226.9 sentimetro o 7’5.33”, at may hawak ng record bilang pinakamatangkad na “teenager” sa mundo.

Mahilig si Olivier maglaro ng basketball, sapagkat “advantage” niya ito laban sa kaniyang mga nakakatunggali.

3. Pinakamabigat na batang naipanganak

Laging naririnig sa doktor o nurse matapos manganak ng isang ina ang mga katagang “it’s a bouncing baby boy!” o kaya naman “it's a bouncing baby girl!”

Pero ang susunod na tampok ay literal na bouncing sa bigat, sapagkat siya lang naman ang humahawak ng record bilang pinakamabigat na sanggol na naipanganak sa kasaysayan.

Siya si “Babe” mula sa Ohio, Estados Unidos.

Ang sanggol na ito ay ipinanganak noong Enero 19, 1879 na tumitimbang lang naman ng 9.98 kilo!

Hindi opisyal na napangalanan ang sanggol kung kaya’t tinawag na lang itong “Babe.”

Nakalulungkot lamang na 11 oras matapos siyang isilang sa mundo, siya rin ay nasawi.

Ito rin ang sanggol na humahawak ng record bilang pinakamahabang sanggol na naipanganak, na may habang 71.12 sentimetro.

4. Pinakamagaan na batang naipanganak

Kabaligtaran ng nabanggit na sanggol mula sa Estados Unidos, sapagkat naitala naman sa Singapore ang pinakamagaang sanggol na naipanganak sa mundo.

Siya ay kinilala bilang si Kwek You Xuan, na may timbang na 212 gramo, o kasintimbang lang halos ng isang mansanas.

Ipinanganak siya noong Hunyo 9, 2020 at nanatili sa hospital ng 13 buwan upang magkaroon ng “healthy” na timbang.

Na-discharge siya sa hospital na may timbang na 6.3 kilos.

5. Pinakabatang ‘Mensa member’

Patalinuhan ba ang usapan? Hindi magpapatalo ang batang tampok natin ngayon!

Ang batang ito lang naman ang kinikilala bilang pinakamabatang miyembro ng “Mensa,” isang samahan ng mga intelihente at ng mga pinakamatatalinong tao sa mundo.

Ang batang ito ay si Joseph Harris-Birtill na mula sa United Kingdom.

Si Joseph ay ipinanganak noon lamang Nobyembre 23, 2021, kung kaya’t sa kasalukuyan, siya ay tatlong taong gulang pa lang.

Kaya na raw ng batang ito na magbilang ng isa hanggang sampu gamit ang limang wika!

6. Pinakabatang nabuntis

Ang record na ito ay hindi naitala sa Guinness World Records ngunit ito ay ang kinikilalang impormasyon sa usaping ito.

Isang nagngangalang Lina Medina, mula sa Peru, ang tinaguriang pinakabatang ina sa kasaysayan.

Ang batang si Lina ay napag-alamang buntis ng isang doktor, at ito ay pitong buwan na!

Noong Mayo 14, 1939, isinilang ni Lina ang isang malusog na sanggol na lalaki na pinangalanan niyang “Gerardo.”

Magpasahanggang ngayon ay wala pa ring impormasyon tungkol sa ama ng nagsabing sanggol.

7. Pinakamaraming sanggol na naipanganak (lahat ay naka-survive)

Nais mo ba ng isang malaking pamilya? Sabi nga nila, mas marami, masaya!

Ngunit sa kaso ng inang ito, ibang klase ang kaniyang ipinakita sa buong mundo!

Noong taong 2009, naitala ang isang panganganak ng isang ina na nagluwal ng pinakamaraming anak sa kasaysayan, at lahat ng ito ay naka-survive!

Ito ay kinilalang si Nadya Suleman, mula sa Estados Unidos.

Siya lang naman ay nagluwal ng anim na sanggol na lalaki at dalawang babae, na ang kabuuan ay walo!

Ipinanganak niya ang walong sanggol na ito noong Enero 26, 2009 sa Kaiser Permanente Medical Center, Bellflower, California, USA.

Ang “octuplets” o ang walong sanggol ay siyam na linggong premature na iniluwal via Caesarean.

The babies were conceived with the aid of In Vitro Fertilization (IVF) treatment and were nine weeks premature when they were delivered by Caesarean section.

Si Nadya ay ang tinaguriang “Octomom” ng media matapos ng kaniyang milagrosong pagbubuntis.

Napag-alaman ding mayroon na siyang anim na anak, bago pa niya iluwal ang octuplets.

8. Pinaka-“premature” na sanggol na naipanganak

Laging tanong ng mga tao kapag nakagagawa ka ng hindi maganda o hindi ayon sa gusto nila, “Kulang ka ba sa buwan?”

Aminin, naririnig lagi ‘yan ng kahit sino. Pero noong 2024, naitala ang pinaka-premature na sanggol na ipinanganak sa mundo.

Literal na kulang siya sa buwan pero sa kasalukuyan, siya ay malusog at nasa mabuting kalagayan!

Siya ay kinilala bilang si Nash Reed, o tinatawag din nilang “Nash Potato.”

Si Nash ay ipinanganak matapos lamang ang 21 linggo! Ito ay halos 133 araw na mas maaga sa inaasahan nitong paglabas.

Masaya naman ang kaniyang mga magulang matapos nitong ipagdiwang ang kaniyang unang kaarawan noon lamang nakaraang buwan.

Ano man ang katangian ng bawat kabataan —- normal man o eksepsyonal —- nararapat na sila ay mahalin at alagaan sapagkat sila ay biyaya sa buhay ng mga taong nakapaligid sa kanila.

Vincent Gutierrez/BALITA