Tila biglang umamo ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin kay Kapuso star Bea Alonzo.
Sa ginanap kasing “Super Divas” concert kamakailan ay nagpahaging si Vice Ganda kay Cristy nang sumulpot ang kaibigan niyang sina Lassy at MC Muah.
"Malulungkot na naman si Cristy. Masisira 'yong narrative ni Cristy na magkakaaway tayo. Huwag kayong mag-alala, may magtatanggol sa atin," natatawang hirit ni Vice Ganda.
Nang tanungin kung sino, itinuro ni Vice Ganda ang kaibigang si Bea na nasa audience nang mga oras na iyon kasama ang jowang businessman na si Vincent Co.
"Bea, you handle it!" sabi ni Vice. “Sagot tayo ni Ate Bea, siya nang bahala, magdadasal lang tayo."
Kung babalikan ang balita noong nakaraang araw, inisyuhan na ng kampo ni Bea ng warrant of arrest si Cristy at ang dalawa pa nitong co-host sa isang showbiz-oriented vlog dahil sa mga mali at mapanirang impormasyong ipinapakalat ng mga kinasuhan.
MAKI-BALITA: Cristy, 2 co-hosts inisyuhan na ng arrest warrant mula sa isinampang kaso ni Bea
Pero sa latest episode ng “Cristy Ferminute” noong Lunes, Agosto 11, tila nagbago ang tono ni Cristy kay Bea.
“Alam mo, pupurihin ko si Bea Alonzo, ha. Kasi ang ginawa niya parang [umiiwas siya]. Kinaswal niya. Gano’n ang taong nag-iisip. Hindi nagpapagamit,” saad ni Cristy.
Ayon kasi sa batikang showbiz columnist, nagpagamit umano sina MC at Lassy kay Vice matapos nilang sumakay sa biro nito taliwas sa ginawa ni Bea.
Matatandaang matapos komprontahin ni Vice si MC sa isang episode ng vlog niya noong Mayo ay nakisawsaw si Cristy sa away ng dalawa upang makisimpatya.
Aniya, “Masyado akong naapektuhan para kay MC,’yong pagluha niya, ‘yong paghagulhol niya.”
Kaya matapos humirit ni Vice sa concert niya na magagalit umano si Cristy dahil masisira ang naratibong inilaabas nito na silang tatlo umano ay magkakaaway, rumesbak ang batikang showbiz columnist.
“Anong content? Ano? Inimbento namin ‘yong kuwento? Hindi kami nag-iimbento ng kuwento. May binasa kami. Alam mo ‘yan, MC!” anang showbiz columnist.
MAKI-BALITA: Giit ni Cristy Fermin: ‘Hindi kami nag-iimbento ng kuwento!’