Aliw ang dala nI Unkabogable Star Vice Ganda kapag tumapak na siya sa entablado. Benta ang kaniyang mga banat na tila laging swak sa “humor” ng mga Pinoy.
Pero hindi lahat ganoon ang nararamdaman, sapagkat may ilan ding ayaw ang mga hirit ng komedyante.
Tila markado na sa utak ng kaniyang “bashers” ang ilan sa mga kontrobersiyal at personal umano niyang mga biro, na magpasahanggang ngayon, hindi pa rin limot ng mga tao.
Kamakailan lamang, nag-alburoto sa galit ang supporters ng dating pangulong Rodrigo Duterte matapos magpasaring ang It’s Showtime host sa “SUPERDIVAS: THE CONCERT” nito kasama si Asia’s Songbird Regine-Velasquez Alcasid noong Agosto 8 at 9 sa Smart Araneta Coliseum.
Unang inawit ni Regine ang unang parte ng remix ng kantang “Hold My Hand” ni Jess Glynne at ang Jet2’s advertising campaign jingle, nang biglang pumasok si Meme at humirit ng mga birong tila pasaring sa dating pangulo.
“Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jetski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels and a free trip to The Hague by the ICC. Promo applies to DDS only. Pinklawans and BBMs are prohibited. Huwag n’yo akong subukan, mga p***** i** n'yo!” ani Vice Ganda at ipinagpatuloy ni Regine ang pag-awit ng mga sumunod na parte ng remix.
Umani ng iba’t ibang reaksiyon at komento sa netizens ang birong ito ni Meme Vice.
“HAHAHAHA! ANG LALAKAS NYO MANGBULLY, TAPOS PAG KAYO INAASAR.. MGA IYAKIN PLA KAYO...MGA B**O AT T*N*A [TALAGA] MGA DDS**Ts..”
“Well, gusto ni Vice magpapansin! Kaya be it! Yan ung way ng LAOS na!!!”
“[D]eserve ninyong mga kulto kayo, wla pa yan sa daming kapalpakan na ginawa ng idol nyo. Mas marami pang karma ang naghihintay. Kung sa tingin kayo lang ang pwede mag-mock, nagkakamali kayo.”
KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda, binanatan ng Duterte supporters dahil sa paandar sa concert-Balita
KAUGNAY NA BALITA: MC, Lassy sumulpot sa concert: Vice Ganda, 'ipinaubaya' si Cristy kay Bea-Balita
Nagkomento naman ang anak ng dating pangulo na si Vice President Sara Duterte at apo nitong si Davao City Acting Vice Mayor Rodrigo “Rigo” Duterte II ukol sa birong ito ni Meme.
"Public figures like Vice Ganda, who use their platform to mock rather than uplift, reveal more about their own character than about the people they ridicule," ani Rigo Duterte II.
"If Vice Ganda wishes to be remembered for more than empty laughs and headline-grabbing jabs, perhaps it’s time to show the same hard work, discipline, and respect that Davao’s leaders and citizens demonstrate daily,” dagdag pa ng bise alkalde.
Komento naman ni VP Sara, desisyon umano ng city council kung itutuloy ang resolusyong i-persona non grata ang komedyante.
Ibinahagi niya ring hindi niya pa nakikita o naririnig ang birong ito ni Vice Ganda sa kaniyang ama.
Hindi rin malilimutan ng lahat ang biro ni Meme kay GMA multi-awarded broadcast journalist na si Jessica Soho.
Matatandaang humirit si Vice Ganda ng isang “rape joke” patungkol sa broadcast journalist sa kaniyang concert noong Mayo 17, 2013.
“Ang hirap nga lang kung si Jessica Soho magbo-bold. Kailangan “gang rape” lagi. Sasabihin ng rapist, ‘Ipasa ang lechon.’ Sasabihin naman ni Jessica, ‘Eh nasaan yung apple?” biro ni Vice Ganda.
Nagbigay rin ng komento ang award-winning journalist ukol dito.
“Rape is not a joke and should never be material for a comedy concert,” ani Soho.
"I thank all those who shared my hurt and expressed their support, but this should not be about me, but about rape victims who suffer tremendously from this terrible crime. The horrors they go through are unspeakable and should never be taken lightly, especially by way of a cruel joke,” dagdag pa nito.
Ilang mga personalidad din ang nagbigay ng saloobin ukol dito:
“Para kay Vice Ganda, personal ko ito. Hindi joke ang salitang "rape." Pakiretweet po hanggang makaabot sa kaniya,” ani journalist Jiggy Manicad.
“Rape is not a joke. It's not funny. It's violence vs women. It's a dark day when rape joke is made in coliseum full of people,” tweet ni GMA reporter Maki Pulido.
Matatandaang nanghingi ng paumanhin ang komedyante kay Jessica Soho matapos ang birong ibinato niya rito.
"Opo, iyon po ay isang biro na maaaring sa inyo ay hindi magandang biro at kung hindi po magandang biro 'yon at nasaktan ko po kayo talaga, humihingi po ako ng paumanhin, patawad po," ani Vice Ganda.
"At pinapangako ko po sa inyo na hindi na kayo magiging kasama kailanman sa anumang tema ng pagtatanghal ko," dagdag pa nito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Rape joke' kay Jessica Soho, nakatatak na kay Vice Ganda-Balita
Subalit hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nagkakaayos o nagkakausap sina Jessica at Vice Ganda.
Vincent Gutierrez/BALITA