Ang immunization ay ang proseso ng pagpapalakas-resistensiya o immune system sa pamamagitan ng bakuna, kung saan, itinuturok ang gamot para protektahan ang katawan sa mga nagbabantang impeksyon, kondisyon, o sakit na maaaring magdulot ng pagkahina o kamatayan.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang bakuna ay gumagana sa loob ng katawan sa pamamagitan ng paggaya sa impeksyon para ma-train o sanayin ang natural defenses ng katawan na maglabas ng antibodies na kikilala sa totoong presensiya at epekto ng impeksyon o sakit sa katawan.
At habang maaari pa ring maapektuhan ng mga impeksyon at sakit ang taong vaccinated, hindi ito magkakaroon ng malalang epekto dahil sa kahandaan ng katawan na lumaban.
Kung kaya’t sa Pilipinas, isinulat ng Department of Health (DOH) ang Expanded Program on Immunization (EPI) noong 1976 para masigurado na masisimulan ang regular na pagbabakuna mula sanggol hanggang pagkabata.
At sa pakikipagtulungan ng DOH sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), may mga routine immunization assistance program na isinagawa sa bansa para matugunan ang pangangailangang proteksyon ng bawat bata, tulad ng Chikiting Ligtas, Reaching Every Purok (REP), at ang online platform na VaccTrack.
Dahil dito, ano ba ang ilan sa mga bakuna na dapat mayroon ang isang sanggol hanggang sa unang dalawang taon nito?
BCG (Bacillus Calmette-Guérin) Vaccine
Ang bakunang ito ay tumatarget sa Tuberculosis (TB), na isang bacterial infection na pumapasok sa baga at iba pang parte ng katawan.
Ang single dose o isang dose ay ibinibigay pagkapanganak o sa unang 2 buwan ng sanggol.
Hepatitis B Vaccine (HBV)
Ang bakunang ito ay nagpoprotekta laban sa sakit na Hepatitis B, na isang liver infection na maaaring mauwi sa mga komplikasyon tulad ng liver cancer.
Tandaan na ang sanggol ay kadalasanang inirerekomenda ng doktor na magkaroon ng ng tatlong dose nito: Ang unang dose sa pagkapanganak; ang pangalawang dose ay unang 1 o 2 buwan; at ang pangatlong dose ay pang-anim na buwan.
Poliovirus Vaccine
Ang bakunang ito ay pinoprotektahan ang sanggol laban sa poliomyelitis o polio, isang nakahahawang viral infection na nakaaapekto sa mga ugat at utak.
Ang bakuna para sa polio ay mayroong dalawang klase, ang inactivated poliovirus vaccine (IPV) na itinuturok bilang bakuna at oral polio vaccine (OPV) na ibinibigay bilang drops.
Tandaan na ang sanggol ay kadalasang inirerekomenda ng doctor na magkaroon ng tatlong dose: Ang una ay kapag nasa ika-6 na linggo na ang sanggol, ang pangalawa at pangatlong mga dose ay mayroong 4 na linggong interval.
At mayroon pang-2 booster sa ika-6 na buwan ng sanggol, matapos ang ika-3 dose, at ang pang-2 booster sa ika-4 hanggang ika-6 na taon.
Measles Vaccine
Ang bakunang ito ay nagpoprotekta laban sa impeksyon na nakahahawa at nagdudulot ng mga komplikasyon tulad ng ear infection at pneumonia.
Kadalasan, inirerekomenda na magkaroon nito ang sanggol sa ika-9 na buwan, ngunit mahalaga ring tandaan na kung hindi pa available ang isang dose measles vaccine, ang mga sanggol na wala pa sa ika-12 na buwan nito ay maaaring bigyan muna ng Measle-Mumps-Rubella (MMR) o Measles-Rubella (MR) vaccine.
Rotavirus (RV) Vaccine
Ang bakunang ito ay pinoprotektahan ang sanggol laban sa nakahahawang gastrointestinal infection (GI) na ito na nagdudulot ng gastroenteritis, diarrhea, dehydration, at pagsusuka impeksyon na ito.
Mahalagang tandaan na depende sa klase ng Rotavirus Vaccine, kung ito ma’y 2 o 3 dose na ibibigay ng doctor, ang kadalasang minimum na edad ng pagbibigay nito ay nagsisimula sa ika-6 na buwan ng sanggol.
Ang immunization at pagbabakuna ay itinuturing na global health success story ng World Health Organization (WHO) dahil sa pagliligtas nito ng milyon-milyong buhay mula sa mga sakit at impeksyon taon-taon.
At bilang responsableng mamamayan, mahalaga na bigyang pansin ang pagbabakuna bilang proteksyon hindi lamang ng sarili sa mga sakit, kung hindi pati na rin ng iba.
Sean Antonio/BALITA