December 14, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Vice Ganda binanatan ni Harry Roque; FPRRD nakadapa na, sinipa-sipa pa!

Vice Ganda binanatan ni Harry Roque; FPRRD nakadapa na, sinipa-sipa pa!
Photo courtesy: Vice Ganda (FB)/Harry Roque (YT)

Agad na bumuwelta si dating presidential spokesperson Harry Roque laban kay Unkabogable Star Vice Ganda, kaugnay pa rin ng naging parody niya patungkol sa jet ski, na naging pahayag noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Sa isang parody gamit ang sikat na background music sa TikTok na "Jet2 Holiday," tila binanatan ni Vice ang kontrobersyal na “Jet Ski promise” ni Duterte noon patungkol sa WPS.

Binanggit din niya ang mga DDS o Diehard Duterte Supporters at nagwakas pa sa isang paggaya sa dating Pangulo sa pamamagitan ng malutong na pagmumura niya, na labis na ikinatawa ng live audience.

"Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jet ski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels and a free trip to The Hague by the ICC. Promo applies to DDS only. Pinklawans and BBMs are prohibited. Huwag n'yo akong subukan, mga put*** ina n'yo!" ani Vice, na siyang pinalagan naman ng DDS o Duterte supporters.

Tsika at Intriga

'Mapapasubo?' Doris Bigornia, kakayanin 8 MMFF movies basta ka-date si Atom Araullo

KAUGNAY NA BALITA: Vice Ganda, binanatan ng Duterte supporters dahil sa paandar sa concert

Isa na nga rito si Roque, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook Live. Aniya, nakadapa na raw sa sahig ang dating pangulo subalit sinipa-sipa pa raw ng komedyante-TV host.

"Alam mo kasi tayong mga Pilipino, kapag ang isang tao ay nakadapa na, hindi na sinisipa, Vice Ganda," anang Roque.

"Ang ginawa mo, nasa sa Hague na si Tatay Digong, nando'n na nakakulong na, 80-anyos, mamamatay na yata sa kulungan, sinisipa-sipa mo pa. Anong kaligayahan ang nakukuha mo sa ganiyang gawain? Eh hindi ba dapat kung hindi mo siya pupuwedeng sabihan ng maganda, tumahimik ka na lang!"

"Ang gusto mo ba talaga eh tirisin pa 'yong tao na nakakulong na... kung sa tingin mo natutuwa ang taumbayan, naku ang Pilipino hindi ganiyan," dagdag pa ni Roque.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo o pamilya ni FPRRD tungkol sa isyu.