Sinagot ng aktres na si Matet De Leon ang usap-usapang naghirap daw ang kaniyang namayapang inang si National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor pagdating sa pera, sa kabila ng tagumpay nito sa industriya.
Sa panayam sa kaniya sa vlog na “Pera At Buhay” ng financial coach na si Chinkee Tan, ibinahagi ng aktres ang tunay na dahilan kung bakit hindi nakaipon ang kaniyang ina.
“Alam mo, Sir Chinkee, i-ano na natin sa mga tao tutal nandito naman na tayo. Kinakana nila ang hirap, purita nanay ko. Alam n’yo kung bakit? Sabihin ko ha, dito na. Ang mommy ko kasi pay before or pay after pagdating sa taping. Ang mommy ko, papipilahin ‘yong mga tao. ‘Yong suweldo niya sa bag, ibibigay niya ‘yan sa staff,” ani de Leon.
“Binibigay niya ‘yong pera niya sa staff. Hindi ito ₱300 boss ha, ₱2000, ₱1000, pinapapila niya mga tao. Cameraman, lahat,” dagdag pa niya.
Inilahad niya ring kahit ang mga batang nanonood sa taping ng kaniyang ina ay binabahagian nito. Pinapapila ang mga ito at ibinibigay sa kanila ang kinita ng Superstar.
Ayon pa kay Matet, ayos lang daw sa kaniyang ina na ito ay wala[ng pera], basta ang iba ay mayroon.
“Sana bago mapintasan ang nanay ko na mahirap, na walang nangyari sa kaniya, hindi man lang nakapag-invest, [para kasi sa kaniya, dapat] tao muna, kaibigan niya muna, bago siya,” anang aktres.
Ibinahagi ni Matet na nagbibigay lang daw sila ng advice sa kaniyang ina, kapag ito ay nanghihingi mula sa kanila.
“Nag-aadvice kami sa kaniya kapag humihingi siya ng advice. Pero kapag hindi nanghihingi ng advice ang nanay ko, hindi ko papakialaman ‘yon baka magalit sa akin,” ani aktres.
Nang ito ay manghingi ng advice sa usapan nilang magbukas ng business, nirekomenda raw niya ang “build and sell,” na tinutulan ng Superstar dahil matagal daw ang Return of Investment (ROI) nito.
Sunod na suhestiyon niya naman daw ay gasolinahan, ngunit ito rin ay hindi natupad.
Matatandaang naging emosyonal noong nakaraang buwan ang aktres sa kaniyang raket bilang “live seller” matapos atakihin ng ilang netizen ang kaniyang namayapang ina.
Vincent Gutierrez/BALITA