December 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga kuwento sa likod ng street names na nakapangalan sa bayani

ALAMIN: Mga kuwento sa likod ng street names na nakapangalan sa bayani
Photo courtesy: Philippine News Agency (PNA, Website), Ralff Nestor Nacor/Wikipedia Commons

Isa sa mga ipinagdiriwang sa buwan ng Agosto ang National History Month kung saan binibigyang pagkilala ang mga tao at kaganapan sa kasaysayan para makamit ng bansa ang kalayaang tinatamasa ngayon, sa ilalim ng Proclamation No. 339 na pinirmahan ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Sa taong 2025, sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ipinagdiriwang ang History Month sa temang, “Diwa ng Kasaysayan, Kabilin sa Kabataan” (Spirit of History, Heritage for the Youth), kung saan nagsisilbi itong paalala sa mga kabataan na gunitain at panghawakan ang mga legasiyang naiwan ng kasaysayan.

Bilang alaala nito, alamin sino ang mga pangalan sa likod ng ilang kilalang kalsadang sinunod sa mga pangalan ng bayani ng Pilipinas:

1. Laong Laan at Dimasalang

Human-Interest

ALAMIN: ‘Required’ ba na magbigay ng 13th Month Pay ang mga kompanya tuwing Holiday Season?

Dahil sa mga matatalim na kritisismo sa pamamahalang Espanyol, kinailangan gumamit ng pen names o mga bansag sa kaniyang mga sanaysay at tula ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal para itago ang kaniyang identidad.

Ang ilan na lamang dito ay ang Laong Laan at Dimasalang.

Ang Laong Laan ay ginamit ni Rizal para sa mga tulang kontribusyon nito sa “La Solidaridad,” na dati’y pangalan ng isang istasyon ng tren sa Maynila.

Isa ang “Amor Patrio,” o “love of country” sa gawa niyang pinaggamitan ng bansag na ito kung saan ito’y nailabas sa Maynila sa pamamagitan ng “Diarong Tagalog.”

Ang Dimasalang nama’y kadalasan nitong ginamit kapag nagsusulat bilang isang correspondent o impormador sa La Solidaridad.

Sa kasalukuyang panahon, ang mga kalsada ng Laong Laan at Dimasalang ay makikita sa Sampaloc, Maynila, kung saan, karamihan din ng kalsada ay nakapangalan sa mga gawa ni Jose Rizal dahil sa pamamalagi nito sa Colegio de Nuestra Señora del Santísimo Rosario o University of Santo Tomas (UST) kung saan ito’y kumuha ng kursong pilosopiya at medisina.

2. Mabini

Si Apolinario Mabini ay kilala sa kaniyang talino, kahusayan sa pagsasalita, at dunong sa politiko kung kaya’t siya ay tinawag na utak at konsensiya ng rebolusyon at ang kaunaunhang prime minister ng bansa.

Ilan sa mga naging legasiya ni Mabini ay ang pagbibigay boses sa mga Pilipinong pari na inaabuso ng mga prayle, ang pagbibigay ng karapatan sa mga kababaihan bumoto sa pamamagitan ng kaniyang probisyon sa Malolos Constitution, at pagiging inspirasyon para sa mga may kapansanan o persons with disabilities (PWD).

Sa kasalukuyang panahon, iba-ibang lugar sa bansa ang nagpangalan ng Mabini sa ilang kalsada nito tulad sa Batangas, Bohol, at Ermita sa Maynila.

Sa lungsod ng Lipa, Batangas, binibigyan nitong pagkilala ang pamamalagi ni Mabini sa kanilang lugar sa unang tatlong taon ng high school nito.

Sa bayan naman ng Mabini, Bohol, ipinangalan ito sa bayani matapos maitatag noong Hulyo 23, 1904 bilang pagkilala at isabay sa kaarawan nito.

Sa Ermita, Maynila, pinalitan ang dating Calle Nueva bilang pagtatangka ng administrasyong Amerikano na kilalanin ang ambag ng mga Pilipinong bayani sa kalayaan ng bansa.

3. Bonifacio

Si Andres Bonifacio ay kilala sa bilang “Leader of the Philippine Revolution” at “President of the Tagalog Republic” kung saan, itinaguyod niya ang Katipunan sa pag-asang mapalaya ang bansa mula sa kolonyalismo ng mga Espanyol.

Ang ilan sa mga gawa nito ay ang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa,” “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog,” at “Katapusang Hibik ng Filipinas.”

Ang lungsod ng Taguig kasama ang Pasig, ay nagsilbing lighthouse o parola noong rebolusyon kung kaya’t sa kasalukuyang panahon, nagpangalan ito ng kalsada sa bayani bilang pag-alaala sa bayani.

Ito ang One Bonifacio High Street kung saan saklaw pa ito ng isang lifestyle hub sa lugar na “Bonifacio Global City” (BGC).

4. Tandang Sora

Kilala bilang “Mother of the Katipunan” at “Mother of the Philippine Revolution,” si Melchora Aquino o Tandang Sora, ay tumulong sa rebolusyon ng bansa laban sa mga Espanyol sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa kaniyang tahanan para magbigay medical aid at mga pagkain sa mga sugatang katipunero.

Dagdag sa mga tulong na ito, binuksan din niya ang kaniyang tahanan sa mga patagong pagpupulong ng Katipunan, na di kalauna’y nakarating sa kaalaman ng mga Espanyol kung kaya’y ipinadala siya sa Guam para i-interoga.

Sa kabila nito, nanatili siyang tapat sa rebolusyon hanggang ibalik ito sa bansa noong 1903.

Sa dating Barrio Banlat na saklaw ng lungsod ng Quezon City ipinanganak ang babaeng bayani kung kaya’t ang nasabing lugar ay isa nang baranggay na ipinangalan sa kaniya.

5. Lapu-Lapu

Kilala bilang unang tagapagtanggol ng teritoryo ng bansa at unang pambansang bayani, si Lapu-Lapu ay isang tubong Muslim mula sa Mactan, Cebu at representante ng sultan ng Sulu.

Noong taong 1521, nang tumungtong ang unang hukbo ng mga Espanyol sa dalampasigan ng Mactan, kung saan ang kanilang layunin ay i-convert ang mga lokal sa mga tradisyon at kultura ng Espanya, pinangunahan ni Lapu-Lapu ang madugong labanan sa Cebu.

Sa kasalukuyang panahon, patuloy na nagbibigay-pagkilala ang lungsod ng Cebu sa bayani sa pamamagitan ng pagpapangalan ng kalsada dito para alalahanin ang kabayanihang naganap sa sa kanilang lugar.

Dahil sa kabayanihan ng mga bayani, bilang parte ng pag-alala sa mga ito, isa ang pagpapangalan ng mga modernong kalsada para mapreserba ang kanilang legasiya para sa mga susunod na henerasyon.

At sa pagdiriwang ng History Month, kinikilala hindi lamang ang mga pangalan ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bansa, kung hindi pati na rin ang kanilang ideyalismo na nagbunga pa ng mga rebolusyon para sa kalayaang patuloy na tinatamasa ng mga Pilipino ngayon.

Sean Antonio/BALITA