Tila tuluyan nang rumaratsada pabalik sa tugatog ng kaniyang karera si Pambansang Kamao Manny Pacquiao matapos maglabas ng ratings ang World Boxing Council (WBC).
Si Pacman ang kasalukuyang nangunguna bilang top-rated welterweight boxer matapos ang kaniyang laban kontra kay WBC reigning champion Mario Barrios.
KAUGNAY NA BALITA: Sey ni Manny sa bakbakan nila ni Barios: 'Not fighting for money!'
Batay sa pinakabagong listahan ng WBC, kasama ni Pacquiao sa nasabing listahan ang mga pambato ng France na si Souleymane Cissokho na nasa rank 2, ang Mexicanong si Raul Curiel sa rank 3, si Conor Benn ng Great Britain na nasa rank 4 at Egidijus Kavaliauskas ng Lithuania sa rank 5.
Bagama’t bigo niyang masungkit kay Barrios ang WBC title, nagawa naman ni Pacquiao na iukit muli ang kaniyang pangalan sa welterweight division matapos ang kaniyang pagreretiro noong 2021 at ngayo’y pinakamatanda sa kanilang dibisyon.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Bigong mapatumba!’ Pacquiao, ‘di naagaw ‘WBC welterweight title’ kay Barrios
Sa Disyembre inaasahang muling tatapak sa boxing ring si Pacman bagama’t wala pang kumpirmasyon kung sino kina Gervonta Davis o Rolly Romero ang kaniyang makakatunggali.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Walang paawat!' Pacquiao, balik-babakbakan sa Disyembre?