May inihayag na suhestiyon si dating Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon tungkol sa kapayapaan ng bansa.
Sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Agosto 10, 2025, iginiit ni Guanzon na ang ikapapayapa raw ng bansa ay ang pagtanggal kay House Speaker Martin Romualdez sa liderato ng Kamara.
"Solusyon para maging payapa ang Pilipinas, tanggalin si Martin Romualdez bilang Speaker," ani Guanzon.
Dagdag pa niya, si Romualdez daw kasi ang dahilan ng pagkasira ng UniTeam, ang tambalan nina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., at Vice President Sara Duterte noong Eleksyon 2022.
"Siya naman talaga sumira ng Uniteam niyo," saad ni Guanzon.
Matatandaang noong 2024 nang tuluyang nabuwag ang UniTeam matapos ang pag-alis noon ni VP Sara sa gabinete ni PBBM bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
KAUGNAY NA BALITA: UniTeam, binuo lang para sa 2022 elections – VP Sara
Noong 2024 din nang magsimulang makalkal ang umano'y anomalya ni VP Sara sa kaniyang opisina at confidential funds ng DepEd. Bago matapos ang nasabing taon, naging kontrobersyal din ang pahayag ng Bise Presidente tungkol sa umano'y pagpapatumba niya kina PBBM, First Lady Liza Marcos at Romualdez.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakabinbin sa Korte Suprema ang impeachment laban kay Duterte sa kabila ng depensa ng Pangulo na hindi raw siya nakikialam sa anumang usapin ng impeachment.