Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa bise alkalde ng Ibajay, Aklan na si Julio Estolloso.
Ayon sa mga ulat, ang pakikitungo raw ng biktima sa suspek ang motibo ng krimen.
Matatandaang pinatumba ng suspek na konsehal ang vice mayor matapos niya itong barilin sa loob mismo ng Sangguniang Bayan Hall.
Ayon sa suspek, tila napuno na umano siya sa biktima dahil daw sa hindi nito magandang pakikitungo sa kaniya at tila sa kaniya lamang daw nag-iiba ang pakikitungo ng biktima kumpara sa lahat ng konsehal.
Samantala, kumpirmado rin na mismong sa suspek ang baril na kaniyang ginamit laban sa bise alkalde at napag-alaman ding lisensyado ito sa ilalim ng kaniyang pangalan.
Nagpapatupad na ng paghihigpit ang local government unit (LGU) ng Aklan kung saan nakatakdang ikasa ang one entry, one exit police sa munisipyo. Magdaragdag na rin daw ng presensya ng pulisya sa Sangguniang Bayan Hall, kung saan nangyari ang krimen.