Habambuhay nang walang-bisa ang lisensya ng driver na nag-counter flow sa Skyway sang-ayon sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Sa pahayag ni Dizon nitong Sabado, Agosto 9, sinabi niyang hindi umano sapat na isuspinde lang ang lisensya ng driver dahil inilagay nito sa panganib ang buhay ng iba pang motorista.
“Hindi pu-puwede na suspendido lang ang lisensiya ng driver na ito dahil kitang kita naman sa CCTV footage na inilagay niya sa peligro ang buhay ng mga driver ng kasalubong niyang sasakyan,” saad ni Dizon.
Dagdag pa niya, “Ipinag-utos ko na i-revoke na nang tuluyan ang driver’s license ng pasaway na driver na ito nang hindi na pamarisan ang reckless driving niya.”
Kaya naman hinikayat ng kalihim ang publiko na patuloy iulat ang mga isidenteng tulad nito upang magawan ng agarang aksiyon.
Matatandaang bandang alas-tres ng madaling-araw kanina nang mamataan sa CCTV ang pagsalubong ng driver sa mga sasakyang nasa kasalungat nitong linya sa Skyway.