Ang “National Lazy Day” ay selebrasyon ng pahinga at “relaxation,” upang maihanda ang katawan sa mga susunod na araw at gawain. Ito ay walang malinaw na pinagmulan, ngunit napalaganap ang konseptong ito dulot ng walang-tigil na pagkilos ng mga tao at pagtapos ng kaniya-kaniyang mga obligasyon.
Sa dami ng responsibilidad at gawain sa eskuwelahan, sa trabaho, o maging sa mismong tahanan, hindi talaga maiiwasang mapagod at ma-burn out. Madalas nga, ito na lang ang laging kasagutan sa mga paanyaya: “Next time na lang.”
Kung kaya’t kahit papaano, hindi masama na magpahinga — o maging tamad kahit isang araw lang.
Narito ang ilan sa mga productive ideas na puwede mong gawin ngayong Agosto 10, ang National Lazy Day:
1. Magmuni-muni at alamin kung ano ba ang mga iyong kinatatamaran
Mahalaga na magkaroon ng sapat na oras upang pag-isipan ang mga bagay na iyong kinatatamaran. Hindi dahil lazy day ngayon, literal na wala talagang gagawin. Gamitin ang araw na ito upang maging isang oportunidad upang matuklasan ang mga bagay na pumipigil sa iyong “productivity,” at umisip ng mga epektibong solusyon upang masawata ito.
2. Isulat ang iyong mga ideya at plano sa mga susunod na araw
Kung nahihirapang alamin ang mga bagay na kinatatamaran, isulat ang iyong mga ideya hanggang sa matumbok ang pinaka-problema. Matapos nito, umisip ng mga mas makabuluhang bagay at iplano ito hanggang sa mga susunod na araw. Sa paraang ito, magkakaroon ka ng listahan ng mga gagawin na siguradong pipigil sa iyong katamaran.
3. Maglakad nang maglakad
Sikaping magkaroon ng oras upang maigalaw ang iyong katawan, kahit sa simpleng paglalakad lamang. Ang 20 minutong paglalakad ay sapat na upang hindi maging “stagnant” ang iyong katawang lupa. Imbes na gumamit ng “elevator” at escalator,” maghagdan na lang at siguradong matatapos mo ang “target setps” mo sa araw-araw.
4. Maglinis ng bahay
Isiping mabuti na ang tip na ito ay “hitting two birds with one stone” ang atake. Natanggal na ang iyong katamaran, luminis pa ang kabahayan. Simpleng pagwawalis, pagbabasahan, o paglilipat-lipat ng posisyon ng iyong mga gamit ay sapat na para maigalaw ang iyong tinatamad na katawan.
5. Home workout
Dahil nasa bahay lang naman at pakiramdam ay sobrang tinatamad, isipin na lang na ang home workout ay “free” at malaki ang benepisyo sa katawan. Gaganda na ang katawan, naiwasan mo pa ang katamaran.
Ang “National Lazy Day” ay hindi araw kung saan puwedeng gawing “excuse” upang iwasan ang mga responsibilidad at gawain, ito ay isang “holiday” na ipinapakita ang kagandahan ng pahinga.
Ngunit tandaan na iba-iba tayo ng depinisyon ng pahinga, na madalas ito ay hindi tungkol lang sa simpleng higa, bagkus ang mga bagay na nagbibigay-saya.
Vincent Gutierrez/BALITA