Pamilyar ka ba sa salitang “guncle?” Siguro maraming tao sa mundo, lalo na dito sa Pilipinas, na ngayon lang narinig ang salitang iyan.
Nagsimula ang kultura ng “Gay Uncles Day” noong 2016, nang ang isang lalaking nagngangalang C.J. Hatter ay nagmungkahi ng isang ganitong selebrasyon sa Facebook.
Matapos nito, nakiayon naman ang Australian athlete na si Simon Dunn nang siya ay magbahagi ng kaniyang masayang alaala kasama ang kaniyang mga pamangkin.
Simula noon, kumalat na ito at naging isang taunang selebrasyon na para sa mga “guncles.”
Ibinahagi naman ng LoveYourself Inc. sa kanilang Facebook post ang kanilang “Word of the Day” ngayong Agosto 10.
Ang salitang ito ay “Guncle,” o ang pinaiksing “gay uncle.”
Ayon sa post, ang kahulugan ng “guncle” ay “biological or chosen family, that brings love, fun, and flair into someone’s life.”
May iba’t ibang paraan ang bawat indibidwal kung paano ipinagdiriwang ang selebrasyong ito.
1. Magbahagi ng litrato o video
Ngayong halos lahat ay gumagamit na ng social media, isang magandang paraan kung paano ipagdiwang ang “Gay Uncles Day” ay ang simpleng pagbahagi ng litrato o video ng pagbati sa kanila. Sa paraang ito, matutunghayan ng mga tao na mayroon palang ganitong okasyon, at ito ay nararapat na ipagdiwang.
2. Paglutuan
Kung madalas na si “gay uncle” ang nagluluto, ito na siguro ang araw upang siya naman ang maipagluto. Alamin ang gusto nitong pagkain at magbigay ng effort na lutuan siya. Siguradong magugustuhan at maa-appreciate ito ni gay uncle!
3. Magsagawa ng isang maliit na event
Kilala ang mga guncles bilang jolly at lively, kung kaya’t ang pag-imbita sa kaniyang mga kaibigan at pagsasagawa ng isang maliit na kaganapan ay siguradong magugustuhan ni guncle. Maghanda lang ng mga palaro, mga pagkain, at mga swak na kantahang mapapasayaw ang bawat isa.
4. Mag-volunteer o mag-donate sa mga grupong sinusuportahan nito
Isang magandang regalo para sa mga guncle ay magpakita ng suporta sa mga grupong may pakialam sila. Hindi lang ito nagpapakita ng kawanggawa, ito rin ay pagpapakita ng isang “inclusive” community at pagpapalawig sa karapatan at pagmamahal sa mga tulad nila.
5. Magbahagi ng memories
Paraan din upang kumonektang muli mula sa ating mga guncles ay magrelax, umupo, at makipag-usap tungkol sa buhay-buhay. Balikan ang masasayang mga alaala habang bata pa at si guncle ang iyong tagapag-alaga. Siguradong magre-reminisce si guncle at maaalala niya ang kaniyang pagiging mabuti sa’yo.
Suportahan at makibahagi sa espesyal na pagdiriwang na ito. Kung may “gay uncle” ka man, huwag kalimutang batiin siya ng “Happy Guncles Day!”