Viral sa social media ang isa umanong grade 3 student na pinagtulungang bugbugin ng high school students sa Iligan City.
Ayon sa mga ulat, tinatayang nasa apat na kalalakihan ang nambugbog sa sinasabing 9 taong gulang na batang lalaki na estudyante ng Maria Cristina Falls Elementary School.
Mapapanood sa nagkalat na video ng naturang pagkuyog sa biktima kung paano nagpalitan ng suntok at tadyak ang high school students sa kaniyang katawan. Bunsod nito, kasalukuyan ng nasa Intensive Care Unit (ICU) ang biktima matapos ang tinamong bugbog sa iba’t ibang katawan, partikular na ang mga suntok sa kaniyang ulo.
Sa hiwalay na pahayag ng alkalde ng Iligan City na si Freddie Siao, kinondena niya ang sinapit ng biktima at iginiit na nagpaabot na raw siya ng tulong sa pamilya ng biktima at kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.
“I am deeply saddened and disturbed by the tragic incident involving a Grade 3 pupil of Maria Cristina Falls Elementary School, who is now fighting for his life in the ICU after being brutally attacked by a group of high school students,” anang alkalde.
Dagdag pa ng alkalde, “No child deserves to go through such pain and violence.”
Bunsod ng naturang insidente, bumuhos din sa social media ang sentimyento ng ilang netizens hinggil sa pagbababa raw ng edad ng maaaring makulong at maparusahan sa bansa.
“Kailangan talagang makahanap na ng katapat ang mga bata ngayon!”
“Tama si Sen. Idol Robin!”
“Dapat nang ipakulong ang mga batang ganiyan!”
“Gawain nila hindi gawaing bata, gawaing kriminal na eh.”
“Hindi na high school mga ‘yan. Kriminal na. Makakapatay na eh.”
Mga batang kayang mambugbog at manakit dapat walang proteksyon!”