Nagpahiwatig si Pambansang Kamao Manny Pacquiao para sa muli niyang pagtapak sa boxing ring bago magtapos ang 2025.
Sa panayam ni Dyan Castillejo na ibinahagi naman ng Viva Promotions, iginiit ng dating kampeon na magbabalik daw siya sa bakbakan sa Disyembre.
"This year, this year. Mga December," ani Pacman.
Nang tanungin kung sa United States gaganapin, isang ngiti na may kasamang tango ang isinagot ni Pacquiao.
Kung tuluyang matutuloy, ito na ang ikalawang sunod na pagtapak ni Manny sa boxing ring, matapos ang kaniyang huling laban kontra kay WBC welterweight champion Mario Barrios noong Hulyo 20, 2025.
Bagama’t bigo niya noong mapatumba si Barrios at maagaw ang titulo nito via majority draw, kumbinsido si Pacman, na siya ang nanalo sa kanilang bakbakan matapos ang kanilang dikit na tapatan.
“I thought I won the fight, it was a close fight. My opponent was very tough. Barrios is a wonderful fighter,” ani Pacquiao.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Bigong mapatumba!’ Pacquiao, ‘di naagaw ‘WBC welterweight title’ kay Barrios
Matatandaang noong Hulyo ang itinuturing na comeback fight ni Pacman matapos siyang magretiro noong 2021.
KAUGNAY NA BALITA: Sey ni Manny sa bakbakan nila ni Barios: 'Not fighting for money!'
Wala pa mang kumpirmadong petsa para sa kaniyang sususnod na laban, maingay ang mga balitang posible umano itong maganap sa Disyembre 17 kontra kina Gervonta Davis o 'di naman kaya ay Rolly Romero.