Inamin ng singer na si Maki na isa sa mga hindi niya makalilimutang karanasan noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz, ay nang makaranas daw siya ng verbal sexual harassment sa audition.
Ibinahagi ito ng "Dilaw" singer sa panayam sa kaniya sa "Fast Talk with Boy Abunda."
"Actually, ang dami nga pong tao na parang feeling po nila, I just came out of nowhere," ani Maki. "Na parang bigla na lang siyang sumikat, biglang may bata kumakanta ng tungkol sa kulay, pero it took me so much years to achieve kung ano pong meron na ako ngayon."
Pagkatapos nito, nakuwento na niya ang tungkol sa mga nasabi sa kaniya ng ilang mga tao noong nagsisimula pa lamang siya. Aniya, walang problema sa kaniya ang rejections dahil dapat, ready raw dito ang isang artist kung gusto naman ng acceptance.
Nakuwento naman ni Maki na noong 15-anyos daw siya ay nag-audition daw siya sa isang lugar, at hindi raw niya ito sinabi sa kaniyang mga magulang.
Habang nagsasalaysay, nagsimulang manginig daw si maki at huminga-hinga nang mabilis.
"Ayoko na po mag-dive into details, pero nag-audition po kasi ako to become an artist, ganiyan... and after the audition po, tinanong niya 'ko ng mga questions po na medyo hindi po siya pambata na mga tanong..."
First time daw ni Maki na matanong ng mga ganoong mga bagay, at nang mga sandaling iyon, hindi raw niya alam kung paano ito sasagutin.
"Were you sexually harassed?" diretsahang tanong ni Boy.
Matagal bago nakasagot si Maki, at sinabing hindi raw niya alam kung matatawag daw bang ganoon. Kaya naman inulit ni Boy ang tanong, subalit mas ginawang espesipiko.
"Were you verbally sexually harassed?" muling tanong ni Boy. Sundot pa niyang tanong ay kung naramdaman ba niyang na-violate ba ang kaniyang pagkatao nang mauntag na tungkol sa sex.
"Opo," sagot ni Maki.
Hindi raw niya alam nang mga oras na iyo, sa edad niyang 15, kung paano sasagutin ang mga tanong sa kaniya.
"Hindi ko na rin alam kung ano 'yong mga sinabi ko," sundot pa ni Maki.
Sinabi raw sa kaniya ng taong kaharap niya sa audition na kailangan daw nilang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa kaniya.
Kinlaro naman ni Boy kay Maki kung hindi ba siya nakaranas ng pisikal na paghawak. Hindi ang sagot dito ng singer.
"Hindi ko rin po hahayaan Tito Boy," sagot pa ni Maki.
Samantala, hindi naman nagbanggit ng kahit na sinong personalidad o kompanya si Maki sa tinutukoy niyang nagparanas sa kaniya ng verbal sexual harassment.
Hindi lamang si Maki ang nakaranas ng sexual harassment sa showbiz. Matatandaang nagbahagi rin ng ganitong karanasan ang dating GMA Network singer na si Gerald Santoss, gayundin ang isa pang singer na si Enzo Almario.
Maging ang Sparkle artist na si Sandro Muhlach ay nakaranas din ng sexual harassment na naging dahilan pa para kasuhan ang dalawang independent contractors na sina Richard Cruz at Jojo Nones.
KAUGNAY NA BALITA: Gerald, Enzo, at Sandro nagsanib-puwersa kontra sexual harassment
Noong 2024, nagsanib-puwersa ang tatlo para sa "Courage Movement," isang kilusang nagsusulong para daw labanan ang sexual harassment, rape, at iba pang porma ng sexual abuse, lalo na sa mundo ng showbiz.