Sumagot ang Supreme Court (SC) patungkol sa umuugong na mga ulat na nadiskwalipika sa pagka-Ombudsman si Department of Justice Sec. Jesus Crispin Remulla.
Sa text message na ipinadala ng tagapagsalita ng SC na si Camille Sue Mae Ting noong Biyernes, Agosto 8, 2025, sa mga reporter, iginiit niyang hindi pa raw nagsisimula ang proseso ng mga aplikasyon sa pagka-Ombudsman.
"In response to some of your queries on whether the JBC disqualified SOJ Remulla from the Ombudsman position, the Judicial and Bar Council (JBC) has not yet commenced the vetting process, as the official list of applicants under consideration has yet to be published," ani Ting.
Umugong ang naturang diskwalipikasyon sa aplikasyon ni Remulla kaugnay ng kaniya raw nakabinbing kaso sa Ombudsman kaugnay ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC).
Matatandaang kabilang si Remulla sa mga opisyal ng pamahalaan na inireklamo ni Sen. Imee Marcos tungkol sa umano'y ilegal daw na pag-aresto kay Duterte noong Marso 2025, sa kasong “crimes agianst humanity.”
KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman, inatasan 5 gov’t officials na sagutin reklamo ni Sen. Imee ukol sa pag-aresto kay FPRRD
Bago ang paghahain ng reklamo, noong Abril 28 nang sabihin ni Marcos, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, na base raw sa kanilang imbestigasyon sa Senado, lumabas na “politically motivated” umano ang nangyaring pag-aresto kay Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, inireklamo 5 top gov’t officials na sangkot sa pag-aresto kay FPRRD
Samantala sa hiwalay na pahayag, nanindigan si Remulla na hindi raw niya susukuan ang kaniyang aplikasyon sa Ombudsman.
"I’m not giving up on my application," ani Remulla.