December 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Licensed pilot na 'basag na basag' pa rin sa buhay, nagdulot ng inspirasyon

Licensed pilot na 'basag na basag' pa rin sa buhay, nagdulot ng inspirasyon
Photo courtesy: Genesis Bernardo (FB)

Umani ng matinding emosyon at suporta mula sa netizens ang isang viral Facebook post ng isang lisensyadong piloto na ibinahagi ang kanyang matinding pinagdaanan noon sa kabila ng katuparan ng kaniyang pangarap.

Sa post, sinabi ng piloto na kahit lisensyado na siya at nakapagtapos na ng pag-aaral, “basag na basag” pa rin ang kaniyang kalooban noon.

Dahil ang tunay na laban daw na dapat niyang harapin ay paghahanap ng trabaho.

“Licensed, graduate and a dream come true... Akala ko simula na 'to ng magandang buhay. Pero sa totoo lang, dito pa lang nagsimula yung totoong laban,” saad ng piloto.

Human-Interest

ALAMIN: ‘Required’ ba na magbigay ng 13th Month Pay ang mga kompanya tuwing Holiday Season?

Kuwento niya, araw-araw siyang bumibiyahe mula Laguna patungong Maynila, suot ang kaniyang uniporme, sakay ng tricycle at bus upang maghanap ng trabaho.

Sa kabila ng propesyonal na anyo, baon lamang niyang kanin at itlog ang kaniyang tanghalian—isang bagay na ikinahihiya niya, lalo na kapag nakikita ang kapwa piloto na kumakain sa mga restaurant.

Bagama't walang masamang sinabi ang kaniyang mga kasama, aminado ang piloto na labis siyang naaapektuhan sa katahimikan. Sa loob-loob niya, tila nawawalan siya ng halaga sa kabila ng titulo niyang "piloto."

"Yung ibang kasama kong piloto, kakain sa labas. Ako, tahimik lang at kakainin ang baon ko. Walang nagsabi ng kahit anong masama, pero sa loob loob ko, sobrang awang awa na ko sa sarili ko. Naisip ko, piloto na ko.. pero bakit parang wala pa rin akong kwenta?"

Sa kabila ng matinding emosyon at pagdududa sa sarili, napagtagumpayan niya ang bawat araw sa pamamagitan ng lakas ng loob at tahimik na pakikipaglaban sa kaniyang mga personal na laban. Ang kaniyang mensahe ngayon ay isang paalala at panawagan sa mga katulad niyang humaharap sa ganitong hamon:

"Kung makita ko yung sarili ko sa araw na yun, yayakapin ko sya. At sasabihin ko sa kanya “you may not understand this now… but soon you will. Stay strong," aniya.

"Alam ko maraming dumadaan sa ganitong sitwasyon. Yung sakit na hindi mo masabi sa iba, pero araw araw mong dinadala.

"Kaya kung ikaw to, yung gusto mo na sumuko sa pangarap mo, napapagod, nahihiya, natatagalan.."

Maraming netizens ang naka-relate at nagpahayag ng suporta sa piloto. Para sa ilan, ang kaniyang kwento ay sumasalamin sa realidad ng maraming Pilipinong nagsusumikap para sa pangarap sa kabila ng kahirapan at emosyonal na pagod.

Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:

"Praying for you brother don’t give up, most of the time with the Lord, pag may magandang opportunity, hinahayaan nya ako mag hintay, but after that, worth it ang pag hi hintay, palagi may mas magandang plano Siya para sa atin kesa sa mga expectation natin, pray lang and don’t give up, your blessed already."

"Its just a phase and everything has a reason, don't lose hope .. Ngayon ka pa ba susuko , ang layo mo na mula sa araw na nangangarap ka palang .."

"Ganyan talaga and there’s nothing to be embarrassed of sa pagbanaon. Sige lang sa baba naman talaga tayo magsisimula esp pag lumalaban ka ng patas. Pray harder and tibayan ang loob. Makakaahon ka rin."

"Laban lng lods pag may hirap may sarap,,God's perfect time lods ,,laban lng."

"Walang masama sa pag titipid, pero itoy Hindi makakabuti kung pati Sarili mong maghihirap dahil sa pag titipid mo, imagin isa Kang piloto na may suwerdo, pero pinili mong magbaon tulad ng baon ng Bata para lang makatipid? At iShare mopa kalagayan mo sa Ibang tao pero kagagawan mo rin Pala Ang dahilan nito."

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Genesis, ibinahagi niyang siya ay 42-anyos at naninirahan mula sa Calamba, Laguna.

Ibinahagi niya ring pangarap talaga niya simula pagkabata ang maging isang piloto.

Paano nga ba siya pumaimbulog ngayon sa buhay?

"Never ako bumitaw sa pangarap ko dahil childhood dream ko ang pagpipiloto," aniya.

"Regardless, kahit sinubok ako ng buhay sa pag abot ng pangarap ko, I remain grounded and I did everything with a deep purpose, mai-ahon ko yung parents and family ko sa hirap at mabigyan sila ng maayos at maginhawang buhay," aniya.

Sa ngayon, unti-unti na niyang nabibigyan ng maganda at komportableng buhay ang kaniyang pamilya.

"Yes sa isang kilalang international airline. Naibigay ko ang maginhawa at komportableng buhay sa parents at mga kapatid ko."

"At ngayon may sarili na ko pamilya at anak, never ko naimagine na maibibigay ko ang magaan at kumportableng buhay para sa kanila matapos lahat ng mga pinagdaanan ko sa pagkuha ng aking pangarap," aniya pa.

Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 55k reactions, 23k shares, at 994 comments ang nabanggit na viral post.