Inilarawan ni Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 3rd Big Placer Esnyr Ranollo si Kapamilya star Donny Pangilinan bilang pinakatotoong taong nakilala niya sa showbiz industry.
Sa latest episode kasi ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila kamakailan, inusisa niya si Esnyr patungkol sa ugat ng closeness nito kay Donny.
“Pinaka-genuine at pinakatotoong taong nakilala ko po dito sa showbiz. No’ng una ko pong movie is kasama ko sila,” lahad ni Esnyr.
“At no’ng pack up na po ako,” pagpapatuloy niya, “hindi ko na po alam kung saan po ako pupunta. Mayro’n po akong taping money. Ta’s sabi ko, ‘Donny baka puwede mo akong i-help.’
Dagdag pa niya, “Ayaw niya na igastos niya ‘yong pera ko. Gusto niya sa bahay na lang po nila ako mag-stay. Tapos ako po siyempre nahiya po ako sa kaniya. Donny Pangilinan na po ‘yan.”
Ayon kay Esnyr, tinulungan daw siya ni Donny na humanap ng matutuluyan sa Manila. At sa loob ng isang buwan, talagang inasikaso raw siya nito. In fact, pinapadalhan pa nga raw siya ng pagkain!
“Akala ko po, first year lang po siya gano’n sa akin. Hanggang sa sobrang consistent po niya talaga sa akin,” ani Esnyr.
Matatandaang nakasama ni Esnyr si Donny at ang ka-love team nitong si Belle Mariano sa pelikulang “Love is Color Blind” noong 2021.
Pero bago pa man ito, kilala na si Esnyr sa mundo ng social media dahil siya ang nasa likod ng mga video na nagtatampok ng mga classic na eksena mula high school.
Kaya naman kombinasyon ng aliw at nostalgia ang hatid niya sa kaniyang mga tagasubaybay at manonood.
KAUGNAY NA BALITA: Esnyr, napagkamalang may multiple personality disorder