December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga aklat na gawang Pinoy na swak basahin ngayong Buwan ng Wika

ALAMIN: Mga aklat na gawang Pinoy na swak basahin ngayong Buwan ng Wika
Photo courtesy: Pexels

Ang pagbabasa ng libro ay isang sining na maituturing ng karamihan kung saan ang bawat salita sa pahina’y pinagyayaman ang kamalayan, kasanayan, at pagkamalikhain ng mambabasa.

“Books need to be set free,” ika nga ni Hernando Guanlao o kilala rin bilang Mang Nanie tungkol sa gamit ng mga libro sa kaniyang pampublikong library na kilala bilang “Reading Club 2000” sa La Paz, Makati.

Nagsimula sa mahigit-kumulang na 50 pinaglumaang libro na inipon sa labas ng kaniyang bahay noong taong 2000 bilang pagkilala sa alaala ng mga magulang, ang Reading Club 2000 ay naglalayong ibahagi sa mga tao sa kaniyang komunidad ang saya ng pagbabasa.

Sa mga nagdaang dekada mula noon, naging parte ng misyon ni Mang Nanie ang pagpapatakbo ng aklatan na bukas para sa lahat, kung saan puwedeng manghiram o mag-uwi mula sa ngayo’y daan-daang libro nang walang bayad o kahit na anong requirement.

Human-Interest

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'

Dahil para sa kaniya, ang mga libro ay may buhay at mensahe, at ang mga ito’y dapat ginagamit.

Bilang pagdiriwang ng National Book Lover’s Day at Buwan ng Wika, kung saan ang tema sa taong 2025 ay “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” na layong pasiglahin ulit ang ilang wika sa bansa na nanganganib nang mawala, narito ang ilan sa mga nobelang isinulat ng ilang Pilipinong manunulat:

Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan (Bob Ong, 2011)

Sa librong ito, sinusundan ang kuwento ni Gilberto “Galo” Manansala na mula siyudad, ay bumalik sa isla ng Tarmanes, kung saan siya lumaki para alagaan ang kaniyang lolang may sakit.

Ngunit sa pagbabalik niyang ito, balot ng misteryo ang mga hindi pangkaraniwang pangyayari at maging mga tao na tila naiwan ng patuloy na umuusad na sibilisasyon, at dito rin ay may mga sikretong lumabas na pilit humihila kay Galo sa isla kahit na gusto na nitong umalis ulit.

Para Kay B (Ricky Lee, 2008)

Sa nobelang ito, inilakbay ni Ricky Lee ang mga mambabasa sa 5 kuwento ng pag-ibig.

Ang istorya nina Irene, Erica, Sandra, Ester, at Bessie, ipinakita ang iba’t ibang pananaw at komplikadong aspetong saklaw ng pag-ibig sa kanilang mga buhay.

Salingkit: A 1986 Diary (Cyan Abad-Jugo, 2012)

Sa kasagsagan ng makasaysayang People Power noong taong 1986, nagdaan sa iba’t ibang transisyon si Kitty Eugenio kung saan kailangan nitong manirahan sa mga kamag-anak habang ang ina nito’y lumipad papuntang abroad.

At sa hindi inaasahang pagkakataon, isang kaklase ang maaaring makatulong sa kaniya para mahanap ang ama.

Locust Girl: A Lovesong (Merlinda Bobis, 2019 )

Isang nobelang may timpla ng pantasya, politiko, at pilosopiya noong World War II, sa pamamagitan ng kuwento ng 9 na taong gulang na si Amedea na nakaligtas mula sa pagbomba ng kanilang tahanan, kung saan, ito’y namalagi sa ilalim ng lupa para mabuhay.

Sampung taon matapos ng malagim na pangyayaring ito, nagising ito na may locust o balang na nakatanim sa kilay nito.

Watermoon (Samantha Sotto Yambao, 2025)

Sinusundan ang istorya ni Hana, ang tagapagmana ng pawnshop na ang mga isinasangla ay mga pagsisisi sa buhay, nagsimula ang kaniyang kakaibang paglalakbay nang isang neutrino-specialist scientist ang nag-alay magbigay ng tulong matapos manakawan at malooban ang pawnshop habang nawawala ang ama ni Hana.

Sa kabuuan ng libro, makikita ang halong impluwensiya ng kulturang hapon at elementong mula sa pantasyang pilipino na nagbibigay ng malinaw na litrato ng pantasya, cultural enrichment, at emosyonal na koneksyon para sa mambabasa.

Sa kasalukuyang lipunan kung saan ang teknolohiya’y patuloy na umuusad, mahalaga pa rin na bigyang importansya ang pagbabasa dahil dito, napaglalawig ang kaalaman at kakayahan na makapagserbisyo sa komunidad.

Sean Antonio/BALITA