Isa pang kongresista ang nagpahayag ng pag-alma sa mga pasaring umano ng ilang senador laban sa Kamara at impeachment.
Sa press briefing ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, iginiit niyang malaking pagbasag daw ng ginawa ng mga senador habang ipinapaliwanag ang kanilang boto sa plenaryo noong Miyerkules, Agosto 6, 2025.
“Malaking pagbasag po yung ilan sa mga talumpati dahil mayroon na pong binabanggit na mga masasakit na salita at pagpapangalan—ibig sabihin name calling laban po sa liderato ng House,” saad ni Ridon.
Paglilinaw pa niya, ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at hindi lamang daw tungkol sa pagiging pro at anti-Duterte.
“Hindi lamang po ito usapin kung pro-Duterte ka o anti-Duterte ka. Ibig sabihin, hindi lamang po ito subpoena [na] kung magpalit ka ng mukha, magpalit po ng akusado sa impeachment proceedings ay magbabago po ang magiging paninindigan ng House of Representatives.”
Matatandaang noong Miyerkules, Agosto 6 naman nang tuluyang ikinasa ng Senado ang motion to archive sa impeachment ni VP Sara, kung saan nakatakda na lamang daw nilang buhayin ang impeachment kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa magiging desisyon ng SC.
KAUGNAY NA BALITA: Sino-sino 19 senators na aprub sa pag-archive ng impeachment ni VP Sara?
Noong Miyerkules, Agosto 7, pinalagan na rin ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang naging pahayag nina Senate President Chiz Escudero na pawang ambisyon lang daw ang nasa likod ng impeachment ni VP Sara at pahayag ni Sen. Imee Marcos patungkol sa “dambuhalang sanggol” ng Kamara.
"When over 200 members vote in favor of impeachment, that's not just one man's decision. That's the House speaking as an institution. Calling it a political maneuver is not only unfair, napaka-misleading nito!” ani Acidre.
Dagdag pa niya, "Nag-umpisa ito dahil may tanong ang taumbayan. Hindi ito tungkol sa 2028 o kung sino ang gusto sa puwesto.”
KAUGNAY NA BALITA: Acidre, binutata pahayag ni Escudero na ambisyon ugat ng impeachment: 'Di ‘to tungkol sa 2028!
KAUGNAY NA BALITA: Giit ni Sen. Imee: Ugat ng impeachment, dahil sa ambisyon ng 'dambuhalang sanggol!''