June 05, 2026

Home BALITA Probinsya

Pulis na itinumba umano’y sariling kabit, arestado!

Pulis na itinumba umano’y sariling kabit, arestado!
Photo courtesy: Pexels

Nasakote na ng pulisya ang pulis na suspek umano sa pagpatay ng 24-anyos na babae sa Bayambang, Pangasinan.

Ayon sa ulat ng GMA One North Central Luzon noong Huwebes, Agosto 7, 2025, noong Hulyo 21, nang marekober ng pulisya ang bangkay ng biktima sa isang damuhan malapit sa waiting shed sa bayan ng Bayambang.

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang biktima kung saan narekober din malapit sa bangkay ang basyo ng bala ng baril na .9mm.

Sa isinagawang backtracking ng mga awtoridad sa mga CCTV, napag-alamang kapuwa nagmula sa Taguig ang suspek at biktima. Napag-alamang galing umano sa ospital na pinagtatrabahuhan niya ang biktima nang sumakay siya sa motor ng suspek at saka nagtungo sa Bayambang.

Sa hiwalay na CTV footage, makikitang wala nang angkas sa kaniyang motor ang suspek nang umalis siya sa crime scene.

Probinsya

Lalaking namboboso sa male dormitory, naispatang nandedekwat din ng brief sa mga tenant!

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, magkarelasyon ang suspek at biktima bagama’t may asawa ang nasabing pulis at may boyfriend naman ang dalaga.

Hindi raw inaalis ng mga awtoridad ang crime of passion bilang motibo ng krimen matapos umano lumutang ang isang saksi na nagsabing nagkaroon raw nang mainit na pagtatalo ang suspek at biktima bago natagpuang patay ang nasabing babae.

Napag-alaman ding may utang daw ang suspek sa biktima, batay na rin sa salaysay ng boyfriend nito.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong murder at grave misconduct.