Nabawi na ng kasalukuyang administrasyon ng Lungsod ng Maynila ang di umano'y "na-hostage" na opisyal na Facebook page ng Manila Public Information Office (MPIO), ayon kay Mayor Isko Moreno Domagoso nitong Biyernes ng gabi, Agosto 8.
"Inanunsiyo ngayong gabi, August 8, ni Mayor Isko Moreno Domagoso na matagumpay nang nabawi ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang administratibong kontrol sa opisyal na Facebook page ng Manila Public Information Office (MPIO) mula sa mga dating empleyado nitong diumano’y nang-hostage ng account," anunsyo ni Domagoso sa kaniyang Facebook page.
"Kinumpirma rin ng alkalde na si MPIO Director E-jhay Clamor Talagtag, na siya ring itinalagang City Public Information Officer ng lungsod, ang kasalukuyan ngayong pangunahing administrator ng naturang page," dagdag pa ng alkalde.
Kaugnay nito, ito na muli ang magsisilbing opisyal at pangunahing digital platform ng lungsod para sa pagbabahagi ng mga public advisory, emergency announcements, at iba pang mahahalagang update para sa mga Manileño.
Matatandaang gumawa ng panibagong Facebook page ang lokal na pamahalaan na "Manila City Government" dahil hindi anila sila makakuha ng access sa MPIO mula sa dating namamahala nito.
Noong Hulyo, inatasan ni Domagoso ang city legal na sulatan ang META upang mabawi ang naturang Facebook page.
"This is a government property. It cannot be hostage by the previous employees of this city hall," saad ng alkalde.
MAKI-BALITA: Mayor Isko, pinasusulatan ang META para mabawi FB page ng Manila PIO