Tahasang sinabi ng aktor na si Joey Marquez na hindi niya tinuring na “investment” ang kaniyang mga anak, at sinabi pang “proud” siya sa mga ito.
Sa kaniyang panayam sa TV Host na si Boy Abunda sa programang “Fast Talk With Boy Abunda” noong Miyerkules, Agosto 6, inilahad ng aktor kung gaano siya ka-proud sa 16 niyang mga anak.
"I'm very proud to be a father," anang Marquez matapos tanungin kung gaano siya ka-proud bilang ama gayong may mga anak siyang psychologist, abogado, beauty queen, at entrepreneur.
Sinagot din ni Marquez kung anong klase bang tatay siya sa kaniyang mga anak.
"Tatay na dapat gawin ang responsibility without asking anything back... Ang tatay gagawin niya ang lahat kahit nahihirapan na siya but he will never ask anything back,” aniya.
"Kahit nahihirapan na siya, hindi kikibo yan," dagdag pa niya.
Nagbigay din ng argumento ang aktor ukol sa isinusulong na batas ni Senador Panfilo “Ping” Lacson patungkol sa mga anak na dapat sila ay maobligang alagaan ang kanilang mga magulang.
"Para sa akin, wala e. Ako kasi hindi ko tinuring na investment ang mga anak ko e. Tinuring ko siyang responsibilidad na kailangan ko gawin lahat para sa magandang future nila,” aniya.
“Kung sumikat sila, kung yumaman sila, I promised myself kahit may sakit ako, kahit nasa kalye na lang ako, I will never burden them," dagdag niya pa.
Matatandaang nag-umpisa ang karera ni Joey Marquez sa pag-aartista noong 1987, matapos niyang maging professional basketball player.
Gumanap si Marquez sa mga palabas na “Palibhasa Lalake,” “Bolera,” at “Lagot Ka… Isusumbong Kita!”
Siya rin ang ama ni Miss Universe 2025 First Runner-up na si Winwyn Marquez.
Vincent Gutierrez/BALITA