Isinasaalang tuwing Agosto 8 bawat taon ang kapakanan ng mga pusa sa pamamagitan ng International Cat Day, kung saan itinataas ng mga indibidwal at iba’t ibang adbokasiyang grupo ang kamalayan at suporta sa mga pangangailangan at tamang paglingap sa mga pusa.
Sa Pilipinas, mayroong ilang batas na nagbibigay-direktiba para sa tamang pangangalaga sa mga hayop at pagpapataw ng karampatang kaparusahan sa mga mananakit dito.
Una, ang Presidential Decree No. 1602 o ang Anti-Cruelty Law kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang mga aktong pagmamalupit sa mga hayop, kabilang ang pagbugbog, pag-torture, o pagpatay, maging ang pagsasaayos ng mga animal fight at ilegal na animal testing, at paggamit ng mga mapanganib na gamot at kemikal para manghuli ng hayop.
Pangalawa, ang Republic Act 10631 o Philippine Animal Welfare Act of 2013, kung saan pinapatawan ng pagkakulong at malaking multa ang irresponsableng pag-aalaga ng hayop, kung kaya’t inaatasan sa ilalim ng batas na ito ang mga pet owner na pabakunahan, irehistro, at kalingain nang maayos kanilang mga alaga.
At ang Republic Act 9482 o ang Anti-Rabies Act of 2007 kung saan, layuning ikontrol at iwasan ang panganib na dala ng animal rabies sa mga hayop at tao, sa pamamagitan ng mass vaccination at pagkakaroon ng central database system ng mga nabakunahan at rehistradong hayop sa pamamagitan ng National Rabies Prevention and Control Program.
Dahil dito sa mga probisyong ito ayon sa batas, alamin ang tamang paraan ng pagkalinga sa mga pusa at ang mga pangunahing pangangailangan nito:
1. Ayon sa Merck Sharp & Dohme (MSD) Veterinary Manual, importanteng malaman ng mga fur parents na ang mga kuting na 3 hanggang 4 na buwan ay kailangang may veterinary check up tuwing 3 hanggang 4 na linggo.
Ang mga adult na pusa ay kailangang may kumpletong veterinary examination isang beses sa isang taon.
At ang mga kinokonsiderang “senior cats,” o ang mga pusang nasa lagpas 8 o 9 na taon ay inaabisuhan na magkaroon ng veterinary check up dalawang beses sa isang taon dahil mas madali na itong magkaroon ng iba’t ibang komplikasyon dala ng katandaan.
2. Ayon naman sa The Filipino Vet (TFV), inirerekomendang mga nutritionally-balanced cat food ang ipapakain sa mga alagang pusa imbes na mga tirang pagkain sa hapag.
At para sa mga interval o tamang oras ng pagpapakain, kailangang tandaan na para sa mga kuting na hanggang 6 na buwan, tatlong beses sa isang araw.
Dalawang beses sa isang araw naman para sa mga pusang 6 hanggang 12 buwan.
At isang beses sa isang araw naman para sa mga pusang 1 taon pataas.
Kasama ng pagkain, kailangan din na may malinis na tubig na madali nitong maaabot.
3. Para sa toilet training, mahalagang tandaan na ang mga pusa ay may instinct na ibaon ang dumi nito kung kaya’t kailangang ang litter box nito ay nasa lugar na madali nitong maaabot at makikita.
Ang sinasabing litter ay buhangin o maliliit na beads na mag-a-absorb ng dumi at ihi nito.
Mayroon itong dalawang uri: Ang clumping at non-clumping.
Ang clumping ay namumuo kapag nakakapitan ng dumi o ihi, ang non-clumping naman ay sumisipsip lamang nito.
Mahalaga na kung kung ano mang litter ang gamit, kailangan tanggalin agad ang dumi sa loob ng toilet box nito para masigurado ang malinis na lugar ng alagang pusa.
4. Sa mga laruan naman, habang hindi mapili ang mga pusa, mahalaga na matibay ang bibilhin at hindi ito magdadahilan ng pagkalunok nito matatalim at maliliit na parte.
5. At panghuli, ang neutering o pagkakapon ay inirerekomenda ng mga beterenaryo para maiwasan ang agresibong pag-aaway ng mga ito sa kapwa nila pusa at pag-iwas sa hindi inaasahang pagpaparami.
Ang pag-aalaga ng pusa ay isang commitment na ayon sa ibang pag-aaral, nakapagbubuti ng mental health dahil sa sense of comfort at companionship na dala nito hindi lamang sa nag-aalaga kung hindi pati na rin sa hayop.
Para sa mga nais mag-donate ng pagkain at iba pang mga pangangailangan o mag-ampon, maaari lamang makipag-ugnayan sa mga grupo na nangangalaga sa mga hayop tulad ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), Compassion and Responsibility for Animals (CARA) Welfare Philippines, at Animal Kingdom Foundation, Inc. (AKF).
Sean Antonio/BALITA