Isang bumbero ang nagpahayag ng kaniyang dismaya sa mga taong nakikialam umano sa kaniya habang pinapatay niya ang isang sunog sa Tondo, Manila noong Miyerkules, Agosto 6.
Makikita sa Facebook post ni Nicko Chavez, bumbero mula sa San Jose Navotas Fire Volunteer Inc., na tila nakikiagaw sa kaniyang hose ang mga nasunugang residente habang inaapula niya ang apoy.
“Sa panahon ngayon, hindi lang apoy ang kalaban ng bumbero, kundi pati mga taong akala’y sila ang mas eksperto,” aniya sa caption.
Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita kay Chavez, nagmadali silang rumesponde matapos niyang mapag-alamang malapit sa kanila ang pinangyarihan ng sunog.
“9:47 am noong nag-chat ang asawa ko sa gc namin ng San Jose Navotas Fire Volunteer na [mayrong] sunog sa lugar namin. Kaya tinanong ng aming DPO kung positive ba. Nag-send ‘yong asawa ko ng video at ng makita ng aming Fire Chief, nag-advice na agad siya na respondehan na namin,” ani Chavez.
Ibinahagi rin ni Chavez kung paano siya nahirapang pumasok sa nasusunog na residential area.
“Dali-dali kaming tumayo at nung dumating kami ng Aroma, hinarangan kami ng taong bayan para pumasok sa [e]skinita o arko ng Aroma. Kaya nabungad ang aming truck pagdating namin doon; nasa apat o limang truck ng bumbero pa lang nandoon noong naglatag na kami ng hose. Nagmamadali at nagmumura na ‘yong ibang mga lalaki kaya sumigaw na lang din ako na magpapasok pa ng truck para ma-supplyan ‘yong truck namin,” anang bumbero.
‘[Noong] nagkaroon na ng pressure ‘yong dala kong hose, mahina yung buga kay[a] sinabihan ko yung kasamahan ko na ayusin ‘yong linya ng hose namin. [Noong] pagbalik niya sakin, masyado [nang] magulo ‘yong mga tao na panay turo kung saan ang bobombahin; ‘yong iba tulak nang tulak, ‘yong isa naman gusto pa abantehin agad ako,” dagdag pa niya.
Pero dahil hindi raw baguhan, maayos na nakontrol ni Chavez ang kaniyang emosyon at pagkilos upang apulahin ang apoy.
“Ang ginawa ko dahil hindi naman ako baguhan sa lugar na iyon kase hindi naman kalayuan ang bahay namin doon, at hindi narin ako baguhan sa pagbumbero, mas pinili kong ikalma ‘yong sarili ko. Isipin ‘yong dapat gawin… Binabasa ko ‘yong mga masusunog pa lang nang sa ganon, hindi na lumaki pa,” aniya.
Pero noong patapos na apulahin ang sunog, tila ba hindi pa raw nawala ang pagkakagulo.
Batay sa mga impormasyong nakalap ng Balita mula kay Chavez, nagsimula raw ang sunog bandang 9:47 ng umaga, at dineklarang fire under control ng 12:33 ng tanghali.
Napag-alaman ding gawa sa light materials ang mga kabahayan, kung kaya’t madaling kumalat ang apoy.
Kinumpirma naman ng bumbero na may 50 o higit pang firetrucks ang nagtulong-tulong upang patayin ang apoy.Sari-saring naman ang komento ng mga netizen sa post na ito ni Chavez:“Dapat Po pinapaalis Ang mga pang gulo Hindi biro Yan…”
“wag ka pasok ng pasok pre mga walang utak yung iba dyan”
“Nakakainis namn nga ganyan tulungan cla din namn may kagagawan nyan”
May nagkomento ring bumbero upang linawin ang mismong nangyari:
“For info. Sa mga nag comment na walang 2nd man, meron po yan, inaayos lang yun linya ng hose pero sa dami ng mga taong bayan nakikialam sa operation. Naipit yun 2nd man nya sa likod.”
“Sa ganyan sitwasyon talaga hindi maiiwasan ang mga taong bayan ay mataranta at talagang makikialam yan lalo na kung ang kanilang ari-arian ay nasusunog na. Wag lang po sana sasaktan ang bumbero o bubutasin ang hose at aagawan ng nozzle, kami naman po bilang Fire Volunteer ay hangad lang ay tumulong sa pag apula at pagpatay ng sunog. Hindi natin ginusto ang magkarun ng ganyan sakuna.”
Sa tulong ng kanyang kapwa bumbero, nakuhaan ng video ang pangyayari.
Habang isinusulat ang artikulong ito, mayroon nang 1.6 milyong views ang nasabing video.
Vincent Brian Gutierrez/BALITA