Dalawa ang naaresto ng mga awtoridad sa viral video ng kalalakihang pinagpiyestahan ang mga kable ng kuryente sa nasunog na residential area sa Tondo.
Ayon sa mga ulat, patuloy pa rin ang manhunt operation ng mga awtoridad para sa ilan pang mga sangkot sa pagnanakaw ng nasabing kable na nahagip sa nagkalat na video sa social media.
Matatandanag nagkalat sa social media ang video at ilang larawan ng umano’y mga residenteng kaniya-kaniyang diskarte sa pagkuha ng mga napatid na kable ng kuryente sa naganap na sunog sa Tondo.
Ilang sandali pa, mapapanood pa rin sa video ang pagdating ng mga pulis kung saan nasapul ang tila kalalakihang nagta-tug-of-war sa kable. Kaniya-kaniyang takbo ang mga lalaki nang maispatan na nila ang mga pulis.
KAUGNAY NA BALITA: Mga residenteng 'ninakaw' cable wires matapos ang sunog sa Maynila, pinutakti
Ayon sa mga awtoridad mahaharap sa paglabag sa Republic Act No. 7832 o paglabag sa Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994 ang mga suspek.
Napag-alaman ding mismong mga residente ng lugar ang siyang nanamantalang nakawin ang kable ng mga kuryente.
Posible umanong idiretso sa mga junk shops ang mga kable ng kuryente kung saan kilalang mataas ang bentahan bunsod ng tanso sa loob ng pinakakable nito.
Sa hiwalay na panayam ng media kay Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, iginiit niyang malaking problema raw ang nangyaring insidente dahil maging ang mga bahay daw na hindi natupok ng sunog ay apektado sa kawalan ng kuryente sa lugar.
“Huwag sana pakikialaman yung mga ganiyang kable kasi nagagamit ‘yan ng mga magkakapitbahay na hindi naman natupok ng apoy. Kasi sila din naman ang mawawalan,” ani Moreno.
Nakikipag-ugnayan na raw ang awtodidad sa Meralco upang tumayong complainant laban sa mga suspek.