Kilala ang American business magazine na Forbes na naglalathala ng mga usapin taun-taon patungkol sa finance, investment, industry, at marketing —- kasama na rito ang listahan ng mga pinakamayayamang tao sa iba’t ibang bansa.
Nitong Miyerkules, Agosto 6, pormal nang inanunsiyo ng Forbes magazine ang listahan ng Philippines’ 50 richest of 2025.
Sa artikulong ito, itatampok ang sampu sa 50 pinakamayayamang tao rito sa Pilipinas.
1. Sy siblings (US $11.8 bilyon)
Ang anim na anak ng late retail tycoon na si Henry Sy Sr. na sina Teresita, Elizabeth, Henry Jr., Hans, Herbert, at Harley, ang namamayagpag sa listahan ngayong taon. Ang malaking parte ng pinagsama-sama nilang net worth ay nanggaling mula sa SM Investments at SM Prime. Dahil napapabilang ang SM bilang isa sa mga pinakamalaking conglomerate sa buong Timog-Silangang Asya, hindi maikakailang malaki ang naging ambag nito sa kanilang yaman.
Matatandaang si Henry Sy Sr. ang pinakamayamang tao sa Pilipinas sa loob ng 11 na sunod-sunod na taon. Ang estimated net worth nito noong 2018 ay umabot sa 18.3 bilyong dolyar.
2. Enrique Razon Jr. (US $11.5 bilyon)
Si Enrique Razon Jr. ang namamahala sa International Container Terminal Services Inc. (ICTSI), ang pinakamalaking ports operator sa bansa, kung ang pag-uusapan ay “revenue.”
Ang lolo ni Razon Jr. ang nagpasimula ng negosyong ito noong 1916, na pinamahalaan ng kaniyang ama matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang si Razon Jr. na ang humawak nito, ipinakilala niya ito sa buong mundo.
Matatandaang binili ni Razon Jr. ang Ayala Corp. at nagkaroon ng kontrol sa Manila Water noong Mayo 2024.
3. Manuel “Manny” Villar (US $11 bilyon)
Si Manuel “Manny” Villar ang chairman ng property developer na Vista Land and Lifescapes, pinatatakbo ng kaniyang anak na si Manuel Paolo.
Ang tinuturing na pinakamalaking “asset” ni Villar ay ang Villar Land Holdings, na mayroong 3,500 hektaryang master-planned na komunidad sa timog ng Maynila.
Pinalalawak pa ni Villar ang kaniyang mga negosyo sa mga bago niyang “investments” sa free-to-air TV, at ang plano nitong magtayo ng isang casino at theme park sa timog ng Metro Manila.
4. Ramon Ang (US $3.75 bilyon)
Si Ramon Ang ay ang chairman ng San Miguel, isa sa pinakamatandang conglomerates sa bansa. Ang San Miguel ay “originally brewer,” ngunit ito ngayon ay namamayagpag na sa larangan ng “food and beverages.”
Ang San Miguel ay nagtatayo ng isang airport na nagkakahalaga ng 15 bilyong dolyar, at isang city complex sa 2,500 hektaryang lupain sa Bulacan. Nagsimula rin siya ng isang proyekto na ayusin o baguhin ang Manila International Airport (MIA) noong 2024 sa halagang tatlong bilyong dolyar.
5. Isidro Consunji & siblings (US $3.7 bilyon)
Ang magkakapatid na sina Isidro, Josefa, Jorge, Luz, Maria Cristina, at Maria Edwina ang namamayagpag bilang ikalima sa listahan ng Philippines’ 50 richest.
Ang kanilang yaman ay kanilang namana mula sa kanilang yumaong ama na si David Consunji.
Ang kanilang yaman ay nakasanga sa DMCI Holdings, isa sa pinakamalaking property developers sa bansa, na pinasimulan ng kanilang ama noong 1954.
Si Isidro Consunji, panganay ni David Consunji, ay ang chairman at presidente ng nasabing firm, na may malaking interes sa larangan ng pagmimina, power generation, at water services.
Matatandaang nakuha ni Isidro ang Mexican construction materials giant na Cemex’s cement business sa Pilipinas sa halagang 660 milyong dolyar noong 2024.
6. Que Azcona family (US $3.6 bilyon)
Ang Que Azcona family ay ang nagmamay-ari ng nangungunang drugstore chain sa bansa, ang Mercury Drug. Ito ay itinayo ni Mariano Que noong 1945.
Nagsimula si Mariano sa pagbebenta ng gamot gamit lamang ang isang pushcart, at nagbukas ng isang store upang makapagbenta ng murang gamot sa mga apektadong lugar ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang apo ni Mariano Que na si Steven Q. Azcona ang chairman at presidente ng kanilang kompanya. Ang kaniyang namayapang ina na si Vivian Que Azcona ay ang presidente nito bago pa ito pumanaw noong Abril 2025.
Ang Mercury Drug ay mayroon na ngayong 1,200 branches sa bansa, at empleyadong aabot na sa 15,000.
7. Jaime Zobel de Ayala & family (US $3.4 bilyon)
Si Jaime Zobel ang kinilalang chairman ng Ayala Group bago pa man siya bumaba sa puwesto noong 2006. Ang kaniyang panganay na lalaking si Jaime Augusto ang pumalit sa kaniya magmula noon.
Ang kaniyang lolo ay nagsimula ng “distillery” o pagawaan ng mga alak sa Maynila, at pinalawak ito sa banking, real estate, hotels, telecommunications, at education.
Ang crown jewel ng grupo na Ayala Land ay gumagastos ng halos 500 milyong dolyar upang magtayo ng mga bagong hotel at doblehin pa ang bilang ng mga kuwarto nito na aabot sa 8,000 sa taong 2030.
8. Lucio Tan (US $3.2 bilyon)
Si Lucio Tan ang founder at chairman ng LT group, na tanyag sa mga interes nito sa tabako, banking, at property development.
Itinayo ni Tan ang Asia Brewery noong 1982, na noong mga panahong iyon, ay ang tanging kumakalaban sa market leader noon na San Miguel, na pinamumunuan ni Ramon Ang.
Ang apo ni Tan na si Lucio Tan III ay ang piniling bagong presidente ng LT group at PAL Holdings noong 2023.
9. Lucio & Susan Co (US $3 bilyon)
Si Lucio at Susan Co ay ang nasa likod ng tagumpay ng Puregold Price Club, isang chain of supermarkets at hypermarkets sa bansa na itinayo noong 1998.
Itinayo sa Mandaluyong City ang una nitong branch, at umusbong na sa iba’t ibang lugar sa bansa, na umaabot na ngayon sa 640.
Si Lucio ay ang chairman ng Cosco Capital, na nakapokus sa distribusyon ng alak at real estate business.
Katuwang ni Susan at ni Lucio ang kanilang anak na si Ferdinand Vincent, na ngayon ay ang itinalagang presidente ng Puregold.
10. Tony Tan Caktiong & family (US $2.9 bilyon)
Si Tony Tan Caktiong ay ang founder at chairman ng isa sa pinakakilalang fastfood chain sa bansa, ang Jollibee Foods. Ito rin ay isa sa mga pinakamabilis na lumagong Asian resto chain sa mundo.
Ang Jollibee Foods ay nagbebenta ng Filipino, Chinese, American, at Europian dishes na inangkop sa mabilisang paghahanda at abot-kayang halaga.
Ang Jollibee Foods ay nakakuha ng 70% stake sa Compose Coffee, isang South Korean cafe chain na may higit 2,600 na mga stores, sa halagang 238 milyong dolyar.
Ibinahagi rin ng Forbes na lumawak at umusbong ang ekonomiya ng Pilipinas ng 5.4% sa unang quarter ng taon, ngunit malaki ang naging epekto ng taripang inatang sa bansa ng Estados Unidos.
Mula sa 80.8 bilyong dolyar noong nakaraang taon, umakyat na sa higit 86 bilyong dolyar ang pinagsama-samang yaman ng 50 na nasa listahan, 6% na pagtaas ito kumpara noong 2024.
Kabilang din sa listahan ang mga kilalang personalidad at pamilya tulad ng Ty siblings, na nasa 11, Aboitiz family na nasa 12, Po family, Lance Gokongwei & siblings, at Andrew Tan, na nasa ika-13, 14, at 15 na puwesto.
Makikita sa website ng Forbes ang buong listahan.
Vincent Gutierrez/BALITA