December 18, 2025

Home BALITA

Giit ni Sen. Imee: Ugat ng impeachment, dahil sa ambisyon ng 'dambuhalang sanggol!'

Giit ni Sen. Imee: Ugat ng impeachment, dahil sa ambisyon ng 'dambuhalang sanggol!'
Photo courtesy: Imee Marcos/FB

Nanindigan si Sen. Imee Marcos na wala umanong masama sa kaniyang naging pasaring laban sa hindi niya pinangalanang indibidwal.

Sa kaniyang press briefing nitong Huwebes, Agosto 7, 2025, natanong sa senadora kung tama lang daw ba na sinabi niya ang naturang mga pasaring sa plenaryo habang ipinapaliwanag ang kaniyang boto.

“Kasi yun naman talaga ang ugat ng lahat [ng] ito, pulitika naman talaga at ambisyon ng isang dambuhalang sanggol. So, hindi lihis sa usapin ang sinabi ko,” ani Marcos.

Nang tanungin kung hindi raw ba isang porma ng body shaming ang sinabi ng senadora, sagot niya, “Bakit bawal bang sabihin yung katotohanan?...wala naman akong minura, wala naman akong pinangalanan.”

ARTA, iraratsada website para sa reklamo sa mga ahensya ng gobyerno

Matatandaang sa kaniyang pagpapaliwanag ng boto sa Senado noong Miyerkules, Agosto 6, pinatamaan ng senadora ang Kamara at tinawag na dambuhalang sanggol umano sa loob nito.

"Ang trabaho ng kongresista sa pagkakaalam ko ay maging kinatawan ng kanilang distrito o kanilang sektor. Bakit naman ngayon ay naging tagabantay na lamang sila ng humihiyaw na dambuhalang sanggol? Ginawa nang bondying na armas ang impeachment," anang senadora.

Dagdag pa ng senadora, mas mainam umano kung papalitan na lamang daw ang House Speaker.

"Kaysa inaatupag n’yong palitan ang pinili ng taumbayan, binoto at minahal, bakit hindi n'yo na lang palitan ang taong kayo naman lang ang pumili? Ano kaya kung yung Speaker n'yo na lang palitan n’yo?"