Inanunsiyo ng Ospital ng Maynila na ‘overcapacity’ na rin ang kanilang emergency rooms (ER).
“Ang Ospital ng Maynila ay kasalukuyang nasa OVERCAPACITY sa EMERGENCY ROOM,” anunsiyo ng OSMA sa kanilang social media page.
Sa kabila nito, nilinaw ng OSMA na magpapatuloy pa rin ang pagsisilbi nila sa mga pasyente.
Gayunman, humingi ito ng paumanhin at pang-unawa dahil sa kawalan ng lugar para sa mga darating pang pasyente na maaaring mailipat ng ibang pagamutan, na gaya ng OSMA, ay pinatatakbo rin ng Manila City Government.
“Magpapatuloy ang lahat ng serbisyo ng ospital ngunit humihingi kami ng paumanhin sa kawalan ng lugar para sa mga darating pang pasyente o mailipat sa ibang LGU Hospital Maraming Salamat po sa pang unawa,” anang OSMA.
Matatandaang una nang nag-abiso ang Philippine General Hospital (PGH) na puno na ang kanilang ERs dahil sa malaking bilang ng mga pasyenteng isinusugod doon.
Hinikayat pa ng PGH ang mga pasyente na maghanap na lang muna ng ibang ospital na maaaring magbigay ng agarang serbisyo na kanilang kinakailangan.
Nananatili naman anilang bukas ang ER para sa mga pasyenteng nasa kritikal na kalagayan.
MAKI-BALITA: ER ng PGH apaw na sa pasyente: 'Maghanap muna ng ibang ospital!'
Sa panig naman ng Department of Health (DOH), tiniyak nito na handa silang tumulong sa mga pasyenteng hindi kayang i-accommodate ng mga naturang pagamutan.
Naglabas pa ito ng listahan ng mga pagamutan sa National Capital Region (NCR) na handang tumanggap ng mga pasyente.
Kabilang dito ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa Caloocan City; Las Pinas General Hospital and Satellite Trauma Center sa Las Piñas City; San Lorenzo Ruiz General Hospital sa Malabon City; National Center for Mental Health sa Mandaluyong City; Jose Fabella Memorial Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital at Tondo Medical Center sa Maynila; at Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City.
Maaari ring dalhin ang mga pasyente sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City; Rizal Medical Center sa Pasig City; East Avenue Medical Center, National Children's Hospital, Philippine Orthopedic Center, at Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City at Valenzuela Medical Center sa Valenzuela City.
Kabilang naman sa mga Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) na maaaring pagdalhan sa mga pasyente ay Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center at Philippine Children's Medical Center.
MAKI-BALITA: ER ng PGH apaw na sa pasyente: 'Maghanap muna ng ibang ospital!'