Nagbigay na pala ng reaksiyon at komento ang Kapuso actor na si Jak Roberto hinggil sa napababalitang closeness sa isa't isa ng kaniyang ex-girlfriend Barbie Forteza, at Kapamilya actor Jameson Blake.
Matatandaang naging usap-usapan sa social media ang sightings sa dalawa, na magka-holding hands pa sa kanilang sabay na pagsali sa mga marathon events kamakailan.
Pero nang mauntag naman ang dalawa tungkol dito, sinabi nilang magkaibigan lang daw sila.
Pero muling nabuhay ang espekulasyong may "something special" sa kanilang dalawa, nang mamataan silang magkasama sa ginanap na GMA Gala 2025.
Hindi lang magkasama kundi nakita pa silang magkahawak-kamay habang lumalabas ng venue.
KAUGNAY NA BALITA: Barbie Forteza, Jameson Blake naispatang magkahawak-kamay sa GMA Gala 2025
KAUGNAY NA BALITA: Barbie Forteza, nagsalita na sa pagkaka-link kay Jameson Blake
Kaya naman, nahingan ng reaksiyon tungkol dito ang ex-boyfriend ni Barbie na si Jak Roberto, sa panayam ni GMA showbiz news reporter Nelson Canlas, na iniulat niya sa "24 Oras."
"Bagay. Bagay. Tsaka it's about time," aniya.
"Sabi ko kay Jameson, kung ready ka na—kasi may mga deep talks kami ni Jameson—sabi ko sa kaniya, mabait si Barbie. Alagaan mo lang," saad pa raw niya kay Jameson.
Matatandaang kinumpirma ni Barbie ang hiwalayan nila ni Jak noong Enero, matapos ang pitong taon nilang relasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Matapos 7 taon: Barbie Forteza, Jak Roberto break na!
“Don’t cry because it’s over. Smile because it happened’ - Dr. Seuss. Having you in my life was the happiest I had ever been. Seven wonderful years. A lot of laughs, a lot of ramen and so much love,” mensahe ni Barbie.
“Your love was exceptional. But sometimes, good things fall apart so better things can come together. Beautiful goodbye, @jakroberto.”
Nagpasalamat din ang aktres sa lahat ng pinagsamahan at pagmamahal na natanggap daw niya sa loob ng pitong taon.
“Thank you for loving me the way you did. I am excited for what’s to come for the both of us. You take care of yourself. May you find the love you deserve,” ani Barbie. “I hope for everyone’s understanding and I wish you can help us put this matter to rest.”
Hindi naman nagbigay ng rason ang aktres ng dahilan ng hiwalayan nila ni Jak.