Inilunsad na ng Department of Health (DOH) ang “Zero-Balance Billing Policy” bilang parte ng pagpapalawig ng Universal Healthcare Law ng bansa, kung saan, binibigyang pribilehiyo ang mga pasyente sa libreng gamutan sa mga DOH-accredited na ospital.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Lunes, Hulyo 28, isa sa mga binitawan niyang direktiba ay ang libreng serbisyo sa mga basic accommodation sa mga DOH hospital.
“Itinuloy na po natin ang zero balance billing. Libre po,” panimula ng Pangulo sa paksa ng panukala.
“Ibig sabihin, ang serbisyo sa mga basic accommodation sa ating mga DOH na ospital, wala nang babayaran ang pasyente, dahil bayad na ang bill ninyo,” pagdidiin nito sa probisyon ng zero balance billing.
Dahil dito, ano ba ang zero balance billing policy?
Ang zero balance billing ay isang polisiyang pangkalusugan sa bansa na gumagarantiya sa libreng paggamot sa mga mamamayan habang ito’y naka-confine sa isa sa ilalim ng basic (ward-type) accommodation sa mga DOH hospital.
Ang mga kwalipikadong mamamayan na pasok sa zero balance billing ay ang mga kinokonsidera ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang Indigents o mahirap na pamilya, mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at mga sponsored na miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ano ang mga serbisyong saklaw ng serbisyong ito?
Saklaw ng zero balance billing ang mga room at board charge, doctors’, nurses’ and specialists’ fee, mga laboratory test at imaging, paggamit ng mga operating room at hospital equipment at supplies, at mga gamot na mabibili sa ospital.
Mga limitasyon
Sa kabila ng prinsipyong “libreng pagamot” sa likod ng zero balance billing, mahalagang tandaan na ang saklaw lamang nito ay mga kinikilalang ospital ng DOH sa bansa, kung kaya’t, hindi kasali rito ang mga pampribadong ospital.
Gayundin, ang 4 na ospital na nasa ilalim ng Government-owned and Controlled Corporations (GOCC) – National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center, at Philippine Children’s Medical Center ay hindi kabilang sa nagpapatupad ng zero balance billing dahil may mga nakahiwalay pa itong probisyon mula sa PhiHealth at iba pang mga assistance program.
Sa listahan ng mga DOH Hospital sa bansa na naga-apruba ng zero balance policy, mangyari lamang na bumista sa Facebook Page ng DOH at i-contact ang pinakamalapit na ospital sa inyong lugar.
Sa kaugnay na balita, ibinaba ni PBBM ang direktibang pagpapalawak ng PhilHealth packages kung saan kasama na rito ang buong taong libreng dialysis para sa Stage 5 chronic kidney disease (CKD), kidney transplant, coronary bypass procedure at treatment para sa acute myocardial infarction o atake sa puso, at mas pinabuting cancer screening.
Kasama rin dito ang therapy at rehabilitasyon para sa mga persons with disability (PWD), at pagpapagamot ng katarata at malnutrisyon.
Sean Antonio/BALITA