December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga pagkaing masarap pero posibleng magdala agad sa’yo sa hukay

ALAMIN: Mga pagkaing masarap pero posibleng magdala agad sa’yo sa hukay
Photo courtesy: Unsplash

Kilala ang Pilipinas sa maraming bagay tulad ng mga nakamamangha nitong baybayin at bulubundukin, mga makukulay na pista, at mainit na pakikitungo ng mga lokal sa mga turistang bumibisita sa bansa.

Ngunit, isa rin sa malaking parte ng kulturang Pilipino ay ang putahe nitong mayaman sa kultura at mga linamnam na naglalaro sa panlasa.

Ang mga putaheng Pinoy, ay tinaguriang “melting pot” ng mga kultura o halo ng iba’t ibang kultura mula sa impluwensiyang Sing-Indo-Malay o ang pagsasalitan ng mga kasanayan bago ang koloniyalismo sa pamamagitan ng trading sa mga kalapit bansa.

Impluwensiyang Espanyol na nagdala mga sangkap tulad ng kamatis, patatas, at mais na nagpalawak sa lutuing Pilipino.

Human-Interest

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'

At impluwensiyang Amerikano na nagpakilala ng Western-style twist sa lutong Pilipino tulad ng hamburger, hotdog, at fast food.

Bukod sa kultural na aspeto, ang mga putaheng Pinoy ay kilala rin sa pagbabalanse ng alat, asim, at tamis.

Kung saan, ang asin ay isa sa mga mahahalagang sangkap sa sa panlasang Pinoy kasama ang toyo, suka, at asukal.

Ngunit, dahil din dito, ang mga putahe sa Pilipinas ay tinawag ng karamihan bilang “putok-batok” o masarap pero nakamamatay dahil sa mga implikasyon sa kalusugang dulot nito.

Ayon sa pag-aaral ng Department of Health (DOH), dahil sa high-sugar at high-sodium diet ng karamihan sa Pilipinas, patuloy ang pagtaas ng mga nagkakaroon ng mga Noncommunicable Disease (NCD) tulad ng o mga sakit na hindi nakakahawa ngunit may mabagal na pagdevelop sa katawan, tulad ng sakit sa puso, hypertension, at type 2 diabetes.

Para maiwasan ang labis na pagkain na ito, alamin kung ano ang ilan sa mga kinikilalang “putok-batok” na putahe sa bansa:

Lechon

Kilala rin bilang “roasted suckling pig,” ang lechon ay isang putahe na kadalasa’y hindi nawawala sa mga handaan at kadalasa’y pinapalamanan ng tanglad, sampaloc, sibuyas at bawang bago isalang sa apoy gamit ang kawayan.

Gayunpaman, ang lechon ay may mataas na calorie content at saturated fats kung kaya’t pinapaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na ang sobrang pagkain nito’y maaaring magdulot ng hypertension at atake sa puso.

Crispy pata

Isa pang “star” ng mga handaan ay ang crispy pata, kung saan, ito’y pinakuluan at piniritong binti ng baboy na gustong gusto na karamihan dahil sa pagiging malutong nito.

Ngunit, dahil sa mataas na saturated fat, cholesterol, at calorie content, ang pagkain ng crispy pata ay maaaring magdulot ng high blood pressure, sakit sa puso, at stroke.

Longganisa at Tocino

Ang longganisa at tocino ay madalas na parte ng almusal ng karamihan, kung saan, gumagamit ng pagproseso ng baboy para igiling at i-marinate sa matamis na sauce bago isalang sa kalan.

Dahil ito’y kinokonsiderang “processed food,” pinagiingat ng Department of Science and Technology (DOST) ang publiko sa pagkonsumo ng longganisa at tocino dahil sa mga sakit na dulot nito tulad ng cancer at clostridium botulinum o kondisyon na maaaring magpahina ng katawan kasama na ang pagkalabo ng paningin, fatigue, at hirap sa pananalita at paghinga.

Chicharon

Kilala bilang sikat na merienda, ang chicharron o tsitsaron ay pinakuluang balat ng baboy kung saan puwede itong i-partner sa suka para sa alat at asim nitong linamnam sa panlasa.

Ngunit, ang sobra nito ay makapagdudulot ng high blood pressure, sakit sa puso, at sakit sa bato dahil sa mataas nitong fat, sodium, at calorie content.

Tuyo

Kilala rin bilang “salted dried fish,” ang tuyo ang isa sa mga pagkaing madaling lutuin, kung saan, kadalasan ay ipina-partner sa fried rice o sinangag, pritong itlog, o champorado.

Ngunit katulad ng longganisa at tocino, ito’y kabilang din sa kategorya ng mga “processed food” at bilang mataas sa sodium content, makapagdudulot ito ng sakit sa bato, sakit sa puso, at high blood pressure.

Kare-Kare

Isa pang hindi nawawala sa malalaking handaan, ang kare-kare ay putaheng sinabawan ng malapot na sarsang mani at may mga halong iba’t ibang parte ng baka tulad ng tuwalya, buntot, paa, at laman.

Dahil sa samu’t saring sangkap nito mula karne, mani, at sa ibang bersyon ay bagoong, mayroon itong mataas na fat, calories, cholesterol, at sodium content na maaaring mauwi sa high blood pressure, sakit sa bato, sakit sa puso, diabetes, at hindi maayos na pagkatunaw ng kinain o bloating.

Bagoong

Isa sa mga sawsawan na dumadagdag sa mayamang panlasa ng mga Pilipino ay ang Bagoong, kung saan, ito’y gawa sa fermented o binurong maliliit na hipon, sugpo, o isda.

Kadalasan, ito’y ipinapartner sa manggang hilaw o hinahalo sa kare-kare at pakbet bilang pambalanse sa tamis.

Ngunit dahil sa dahil sa mataas na sodium content nito, ayon sa Medicare Plus, ito’y nagdudulot ng migraine at hemorroids or almuranas.

Kasama rin sa mga posibleng implikasyon ng sobrang pagkain ng bagoong ay ang high blood pressure, sakit sa puso, sakit sa bato, at stroke.

"Tusok-tusok"/Streetfood

Sa mga kalsada sa bansa, hindi mawawala ang mga cart ng “tusok tusok” o street food na kadalasa’y dinadagsa dahil sa murang pantawid gutom ng karamihan.

Madalas iba-ibang pagkaing ihaw o pinakuluang pagkain ang makikita sa mga cart na ito tulad ng isaw, barbecue, kwek-kwek, kikiam, fishball, at day-old chicks.

Ngunit kahit na patok sa masa, ayon sa National Nutrition Council (NNC) at Food and Agriculture Organization of the United Nation, contamination at sanitation ang ilan sa mga pinaka-problema sa mga street food at karamihan ng suki rito’y nagkakaroon ng mga sakit tulad ng diarrhea, cholera, typhoid fever, at food poisoning.

Ito’y dahil sa mga nasasagap na kalat at polusyon sa kalsada kung saan ang mga cart ng tusok-tusok ay kadalasang nagi-istambay, dagdag pa sa pag-aaral na ito.

Sa kabila nito, inaatasan ng NNC ang mga local government unit (LGU) na i-regulate ang mga nagpapatakbo ng negosyong streetfood para masigurado ang kaligtasan ng publiko at kalidad ng mga pagkaing kinokonsumo nito.

Habang ang pagkaing Pilipino ay sagana sa mga pampalasang sangkap, mahalaga na isaalang-alang ang pagbabalanse sa pagkonsumo nito dahil ang kahit na anong sobra ay nakasasama sa kalusugan.

Sean Antonio/BALITA