December 13, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Ang desisyon ng Senado mula motion to dismiss patungong motion to archive

ALAMIN: Ang desisyon ng Senado mula motion to dismiss patungong motion to archive
Photo courtesy: File photo

Pinatay? Ibinasura? Baka nga talo na? Ilan lamang ito sa mga umugong na diskusyon sa social media mataps ilabas ng Senado ang kanilang hatol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Matapos ang ilang oras na debate, nanaig ang boto ng mayorya ng mga senador na nagdikta sa estado ng impeachment ng Pangalawang Pangulo sa nasabing institusyon. Sa botong 19-4-1, ipinataw ang “motion to archive” sa usapin ng impeachment.

Ngunit matapos ang mahigit limang oras na diskurso ng mga senador, bakit nga ba nauwi sa naturang mosyon ang debate?

KAUGNAY NA BALITA: Sino-sino 19 senators na aprub sa pag-archive ng impeachment ni VP Sara?

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Motion to dismiss

Sa pagsisimula ng sesyon ng Senado noong Miyerkules, Agosto 6, 2025, maagang inihain ng baguhang senador na si Rodante Marcoleta ang motion to dismiss laban sa impeachment ni VP Sara. Isang mosyong naglalayong tuluyang ibasura ang impeachment.

Ang basehan ni Marcoleta? Ang kamakailang desisyon ng Supreme Court (SC) na nagsasabing unconstitutional ang impeachment ni VP Sara at wala ring hurisdiksyon ang Senado na ipagpatuloy ang impeachment proceedings.

“It says the complaint is unconstitutional, is void ab initio, is violative of due process. The Senate never acquired jurisdiction over this. It is immediately executory. And on that note, Mr. President, I respectfully move that the impeachment complaint be dismissed,” saad ni Marcoleta.

KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta ipinababasura na impeachment ni VP Sara: 'Supreme Court has already spoken!'

Motion to table

Hindi pa man umiinit ang debate, nagpahayag na si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III nang pagtutol sa nasabing mosyon ni Marcoleta at ibinala ang kaniyang mungkahing “motion to dismiss.”

Ayon kay Sotto, mas mainam daw na hintayin na muna ang pinal na desisyon ng SC matapos maghain ng motion for reconsideration ang Kamara sa nasabing hukuman. Paglilinaw pa ni Sotto, hindi naman daw tatablahin ang mosyon ni Marcoleta, ngunit isantabi na lang daw muna ito habang naghihintay sa hatol ng SC.

KAUGNAY NA BALITA; Sagot ni Sotto sa mosyon ni Marcoleta: ‘Let us not dismiss forthwith!’

Motion to archive

Ayon kay Senate President Chiz Escudero, walang batas sa Senado na sila ay “mag-dismiss” taliwas sa naunang mosyon ni Marcoleta. Kaya naman suhestiyon niya, i-archive na lamang daw ang impeachment bilang tugon kay Marcoleta. 

Samantala, matapos magkaroon ng unang botohan sa pagitan ng mosyon ni Sotto na motion to table at mosyon ni Marcoleta na ngayo’y motion to archive, pumabor ang mayorya ng Senado na ibasura ang motion to table ni Sotto sa botong 19-5.

Ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, sa paglalagay ng impeachment bilang archive, nangangahulugan itong patay na ang impeachment. Bubuhayin na lamang daw ito sa Senado kung sakaling may magbago pa sa posisyon ng Korte Suprema.

Sa kasaysayan ng mga impeachment sa bansa, dalawang impeachment ng opisyal ang hinatulan ng motion to archive.

Una na rito ang impeachment noon ni dating Pangulong Joseph Estrada kung saan nagkasundo ang Senado na magpataw na lamang ng motion to archive matapos magbitiw sa puwesto ang dating Pangulo bunsod ng EDSA II. 

Motion to archive din ang ipinataw ng Senado sa impeachment ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez matapos siyang magretiro bago ang tuluyang impeachment trial.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Sino-sino nga bang opisyal at posisyon ang maaaring ma-impeach?