Inalmahan ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang naging pahayag ni Sen. Chiz Escudero na pawang political ambition lang daw ang ugat ng impeachment kay Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang pahayag nitong Huwebes, Agosto 7, 2025, iginiit ni Acidre na tila lumampas na raw sa linya ang naturang pahayag ni Escudero.
"These are dangerous statements that cross a line. Tama na ang parinigan o intrigahan. Alam naman nating lahat na this is about accountability, not ambition," ani Acidre.
Dumipensa rin si Acidre na hindi lang daw kagustuhan ng iisang tao ang impeachment laban sa Bise Presidente, kundi pati na raw ng tinatayang 200 mambabatas na pirmado sa ikaapat na impeachment complaint.
"When over 200 members vote in favor of impeachment, that's not just one man's decision. That's the House speaking as an institution. Calling it a political maneuver is not only unfair, napaka-misleading nito!'
Paliwanag pa ni Acidre, ang impeachment daw ay nagmula sa tanong ng taumbayan at hindi raw nakaangkla para sa susunod na Presidential elections sa 2028.
"Nag-umpisa ito dahil may tanong ang taumbayan. Hindi ito tungkol sa 2028 o kung sino ang gusto sa puwesto," aniya.
Matatandaang maging si Sen. Imee Marcos ay nagpasaring laban sa mga miyembro ng Kamara at sa House Speaker umano nito na siyang dapat daw palitan.
KAUGNAY NA BALITA: Giit ni Sen. Imee: Ugat ng impeachment, dahil sa ambisyon ng 'dambuhalang sanggol!'
Matatandaang noong Miyerkules, Agosto 6 naman nang tuluyang ikinasa ng Senado ang motion to archive sa impeachment ni VP Sara, kung saan nakatakda na lamang daw nilang buhayin ang impeachment kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa magiging desisyon ng SC.
KAUGNAY NA BALITA: Sino-sino 19 senators na aprub sa pag-archive ng impeachment ni VP Sara?