December 14, 2025

Home BALITA Probinsya

28 water filtration systems, balak ipadala sa island barangays ngayong 2025 — DENR

28 water filtration systems, balak ipadala sa island barangays ngayong 2025 — DENR
Photo courtesy: Department of Environment and Natural Resources (DENR)/FB

Magpapadala ng karagdagang 28 "water filtration systems" ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga maliliit at tagong barangay islands sa bansa bago matapos ang 2025.

‎Ang inisyatibong ito ay nakaangkla sa hangarin ng kagawarang masolusyunan ang kakulangan sa suplay ng tubig sa bansa at ang banta ng nagbabagong klima sa mga komunidad.

‎Sa kaniyang pahayag noong Hunyo 28, matapos ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., binanggit ng kalihim ng DENR na si Raphael P.M. Lotilla na ito ay naaayon sa "directive" ng Pangulo na palawakin ang mga programa na may kinalaman sa tubig, sa ilalim ng "Integrated Water Resource Management Policy."

“In 2024, we launched six water filtration systems for freshwater and saline water sources in remote island barangays nationwide. This year, we are expanding that with 28 more consisting of 18 for freshwater and 10 for saline water,” ani Lotilla.

Probinsya

Unang fully air-conditioned public school, bukas na sa San Pedro, Laguna

“These projects aim to show that even with minimal funding, we can significantly improve access to clean and safe water in our most isolated communities,” dagdag pa ng kalihim.

Nilinaw ni Lotilla na ang mga filtration systems sa mga barangay na may freshwater sources ay ginagamit upang masiguro na ligtas inumin ng mga tao ang tubig. Dinagdag niya rin na mayroong mga “desalination plants” na gagamitin sa mga barangay na umaasa sa tubig-alat upang ito ay maproseso at maging “potable water” din.

‎Labas sa programang ito, isa sa magandang halimbawa nito ay ang water supply project na kasalukuyang isinasagawa ngayon sa Homonhon, sa isla ng Guiuan, Eastern Samar.

Ang proyektong ito sa Homonhon ay nakapokus sa pagde-develop ng Level II Community Water Supply System sa Barangay Casiguran, na ang adhikain ay magtayo ng isang dam upang masiguro ang sapat na suplay sa lugar.

Sa tulong ng “Social Development and Management Pogram (SDMP),” naisasakatuparan ang implementasyon ng Guiuan Water District.

Ang mga “water filtration systems” na ito, mga “desalination programs,” pati na rin ang mga ibang inisyatibo ng kagawaran, ay sumasalamin sa adhikain ng DENR na masugpo ang pagsubok na kinakaharap ng bansa sa kakulangan ng suplay ng tubig at sa panganib na mabilis na pagbabago ng klima at panahon.

Vincent Gutierrez/BALITA