December 14, 2025

Home BALITA

Walang ambag sa wika? Jerry Gracio kinuwestiyon bagong komisyoner, tagapangulo ng KWF

Walang ambag sa wika? Jerry Gracio kinuwestiyon bagong komisyoner, tagapangulo ng KWF
Photo Courtesy: Jerry Gracio, KWF (FB)

Naghayag ng pagtutol ang manunulat at S.E.A Write Awardee na si Jerry Gracio kaugnay sa pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay Atty. Marites Barrios-Taran bilang bagong komisyoner at tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Si Gracio ay itinalaga bilang komisyoner ng KWF para sa wikang Samar-Leyte noong 2013 ngunit kalaunan ay nagbitiw sa posisyon.

Sa isang Facebook post ni Gracio noong Martes, Agosto 5, ibinahagi niya ang kaniyang naging reaksiyon matapos malaman ang pagkakatalaga ng pangulo kay Taran.

“[S]ino siya??? Tatlong question mark talaga dahil ano kontribusyon nitong si Marites Barrios-Taran sa language at scholarship? Pupusta ako, walang respetadong iskolar o manunulat na nakakakilala sa kanya,” saad ni Gracio.

DPWH sa Senado: 'Restore the deducted amounts from the projects in the 2026'

Taliwas kay Taran, ang mga naunang humawak ng posisyon sa KWF ay star-studded ayon kay Gracio. Tulad ni Cecilio Lopez, unang kinatawan para sa wikang Tagalog, na ngayon ay itinuturing bilang “Ama ng Linggwistikang Filipino” at si Jaime C. de Veyra, kinatawan para sa wikang Samar-Leyte, na isang manunulat, iskolar, at pilologo. 

Kaya naman malaking insulto umano ang pagkakatalaga ng pangulo kay Taran hindi lamang sa mga iskolar ng wika at guro sa Filipino kundi sa buong sambayanan.

Aniya, “Kung sino-sino na lang talaga ang ina-appoint nila. Napakababa ng tingin nila sa cultural agencies ng gobyerno.”

“Nananawagan ako sa mga nakaupong Komisyoner na ipaabot sa Malacañang ang kanilang pagtutol. Dapat din natin muling ipanawagan na patalsikin sa Komisyon ang mga Komisyoner na red-tagger,” dugtong pa ni Gracio.

Samantala, sinubukan ng Balita na hingan ng pahayag o reaksiyon ang Komisyon hinggil dito ngunit wala pa silang tugon.