December 14, 2025

Home BALITA

PBBM sa Buwan ng Wika: 'Huwag tayong manatili sa palamuti at pagdiriwang'

PBBM sa Buwan ng Wika: 'Huwag tayong manatili sa palamuti at pagdiriwang'
Photo Courtesy: via MB

Nagpaabot ng pagbati si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansang ngayong Agosto.

Sa mensaheng inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Miyerkules, Agosto 6, hinikayat ng pangulo ang publiko na huwag manatili sa mga palamuti at pagdiriwang.

“Sa paggunita natin ng Buwan ng Wika, huwag tayong manatili sa mga palamuti at pagdiriwang,” saad ni Marcos.

“Higit sa paligsahan ng kasuotan o tula,” pagpapatuloy niya, “iluklok natin ang wika sa sentro ng pambansang pagsisikap: gamitin ito sa paghubog ng katarungan, sa pagbuo ng kaisahan, at sa pagtaguyod ng kasarinlan sa gitna ng isang magulong daigdig."

DPWH sa Senado: 'Restore the deducted amounts from the projects in the 2026'

Dagdag pa niya, “Sa bawat batang natutong magsalita at mag-isip sa wikang sarili, may isang kinabukasang hindi mapuputol ang ugat. Sa bawat mamamayang piniling magsulat, mangarap, at magmahal sa Filipino, may isang bayang patuloy na binubuo ng damdaming iisa ang tinig at layon.”

Matatandaang opisyal na sinimulan ang nasabing pagdiriwang sa pamamagitan ng isinagawang press conference ng KWF noong Hulyo 29 sa gusali ng Philippine Information Agency (PIA) sa Quezon City.

Sinundan ito ng pambungad na programa kasabay ng paggunita sa ika-81 anibersaryo ng kamatayan ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon na idinaos sa Quezon Memorial Circle noong Agosto 1.

Ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon ay nakasentro sa “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.”